KAMARA SINIMULAN NA ANG PAGBABAGO SA ‘REVISED PENAL CODE’

APAT na technical working groups (TWGs) ang binuo ng House Committee on Justice bilang paunang hakbang nito sa pagnanais na baguhin ang iba’t ibang probisyon ng matagal nang sinusunod na Revised Penal Code (RPC) ng bansa.

Giit ni Speaker Pantaleon Alvarez, pangunahing may-akda ng House Bill 6204 at naglalayong bumalangkas ng Philippine Code of Crimes, kinakailangan nang repasuhin ang RPC sa kadahilanang hindi na ito naaayon sa kasalukuyang panahon.

“The proposed Code of Crimes seeks to update and revise existing penal law to align it with current international best practices and integrate special laws in order to have one code for all criminal laws,” saad ng lider ng Kamara de Representantes sa explanatory note sa kanyang panukalang batas.

Dagdag pa nito, sa pagsusulong na maamyendahan ang RPC, ay tiwala siyang higit na mapalalakas ang criminal justice system ng bansa lalo na sa pagresolba sa ilang “social problems” sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “single unified criminal code.”

Nabatid naman kay 2nd Dist. Oriental Min­doro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng nasabing komite na bawat bahagi ng RPC na isasailalim sa rebis­yon base sa iminumungkahi ni Alvarez ay pamamahalaan ng isang TWG.

Ang tinatawag na Book 1 ng HB 6204 ay patungkol sa “general principles on the application of the Code, the offenses, the persons liable, and the table of penalties.”

Habang ang Book II naman nito ay binubuo ng lahat ng pagkakasala na tinutukoy ng Revised Penal Code at ibang special laws, na hinati sa apat na bahagi: ang Title I ay “Crimes Committed Against the State;” Title II – “Crimes Against Fundamental Laws of the State;” Title III naman ay “Crimes Against Chastity and Honor;” at ang Title IV –ay “Crimes Against Humanitarian Laws.”

Si Assistant Majority Leader at KABAYAN party-list Rep. Ron Salo ang mamumuno sa pagtalakay sa Title I kung saan tatayong assistant team leader niya si 6th Dist. Quezon City Rep. Rep. Jose Christopher Belmonte.

Ang Title II ay hahawakan ni 3rd Dist. Leyte Rep. Vicente “Ching” Veloso, ang kanyang magiging assistant team leader ay si ABS partylist Rep. Eugene de Vera. Para sa Title III ay sina Reps. Ramon Rocamora (Lone District Siquijor) at Henry Oaminal (2nd Dist. Misamis Occidental) ang magi­ging magkatuwang habang sa Title IV ay si House Committee on Economic Affairs Vice-Chairperson at Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez Sato ang siyang tagapamuno.

Ang bawat team leaders ay magkakaroon ng counterparts mula sa kinatawan ng University of the Philippines Law Center, Integrated Bar of the Philippines, Public Attorney’s Office, Office of the Ombudsman, at iba pang organisasyon.     ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.