HINDI napalitan at hindi dalawa ang House Speaker dahil fake session ang idinaos na pagtitipon ng mga pro-Velasco solon sa Quezon City na malinaw na labag sa Konstitusyon at mapanganib na precedent, ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na tuloy ang pagdaraos ng special session ngayong araw na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte at sa gagawing sesyon ay ang pagpasa ng 2021 national budget ang tututukan ng mga mambabatas at hindi ang isyu ng speakership.
Malinaw, aniya, ang marching orders ni Pangulong Duterte na isaayos ang budget at wala itong pakialam sa usapin ng speakership kaya naman ito ang gagawin ng Kamara sa sesyon ngayon hanggang Oktubre 16.
“The House of Representatives will hold a proper, orderly session tomorrow. The budget bill can be passed in 2 or 3 days provided the House majority supports it,” paliwanag ni Cayetano.
Binatikos din ni Cayetano ang kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at sinabing kung igigiit na siya na ang bagong House Speaker resulta ng nangyaring fake session sa Celebrity Sports Plaza ay hindi niya ito hahayaan.
“I will not allow you to burn this house down. If you try to burn this house down, you will get one hell of a fight. Holding a ‘fake session’ sets a dangerous precedent. Don’t throw the Constitution away. Don’t throw the Constitution into the waste basket,” pahayag ni Cayetano.
Nanindigan ang House Speaker na hindi lehitimo at hindi kikilalanin ng Kamara ang sesyon na idinaos ng mga pro-Velasco congressman dahil maituturing lamang ito na isang social club gathering.
“Sobrang kalokohan ‘yung ginawa nila. You know in your hearts, it’s simply wrong,” sabi pa ni Cayetano.
“Congress is not a noontime show. Congress is not for entertainment. Congress is not a circus. It is the House of the people. This is a very disturbing precedent. Sabi nila basta may quorum. Basta may quorum, they can meet any day and anywhere and do whatever they want. Kung valid iyan, banana republic na tayo,” giit pa niya.
Sinabi pa ni Cayetano na nilabag ng kampo ni Velasco ang House Rules nang magtipon-tipon sa kabila ng health and safety protocols na itinatakda ng Inter Agency Task Force(IATF).
Aniya, ang sesyon sa labas ng Batasan Complex ay dapat aprubado ng resolusyon gaya ng nangyari sa special session sa Batangas noong Enero sa kasagsagan ng pagputok ng Bulkang Taal.
Comments are closed.