KAMARA TUTOK SA NAT’L BUDGET AT PRIORITY MEASURES

MASAlamin

MEDYO nakagugulat o baka isipin ng iba na pakitang-gilas lamang, ngunit usap-usapan ang ipinakikitang sipag ng Mababang Kapulungan.

Maaaring ituring na ‘historic’ o makasaysa­yan  ang nagaganap ngayon sa Kamara de Representante sa pamumuno ni Speaker Alan Cayetano. Aba’y wala pang isang buwan, pasado na sa 3rd reading ang HB 1026 o ang pagtataas ng buwis sa mga inuming nakalalasing na isa sa priority measures ni Digong.

Kahit na naipit sa dalawang holidays ang araw ng Martes kung kailan inaprub sa huling pagbasa ang panukala, marami pa ring kongresista ang dumalo sa sesyon at nakapagtala ng quorum para maaprubahan ang panukala.

Bukod dito, dinesisyunan na rin ni Ca­yetano at ng mayorya na apat na budget hearings ang gagawin araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes at iniusog ang sesyon sa alas-5 ng hapon upang mapabilis ang pagtalakay sa pambansang badyet at maaprubahan ito sa October 4 ngayong taon.  Kasabay ng marathon budget hearings ang mga pagdinig na gagawin ng ibang komite sa ibang panukala upang walang masayang na oras ang Kongreso.

Kumusta naman ngayon ang mga nagsasabing masyadong marami ang deputy speakers na itinalaga si Speaker Cayetano at posibleng magresulta sa mabagal na trabaho ng Kamara. Kabaligtaran ang nangyari dahil napabilis pa ang trabaho ng Kamara lalo pa na ang bawat deputy speaker ay may tinututukang sektor bawat isa. May nakatutok sa edukasyon, climate change at iba pa.

Kayod kalabaw ang ginagawa ng mga kongresista upang hindi maulit ang pangho-hostage sa national budget na nagresulta sa P1-B nawala sa gobyerno bawat araw. Ngayon pa lang, butata na ang mga maiingay na kritiko na pumupuna sa mga hakbanging ginagawa ng Kongreso.

Ang panukalang pagtataas ng buwis sa mga inuming nakalalasing ay siyang pagkukunan ng pondo para sa Universal Health Care. Layunin din ng gobyerno ni Digong na mabawasan ang pag­lipana ng mga sakit na dulot ng pag-inom ng alak at mabawasan ng 10 porsiyento ang alcohol consumption sa 2025.

Kaya ngayong naisumite na sa Kamara ang 2020 national budget, asahan pa ang doble-kayod na work mode ng mga kongresista.

Ang sabi nga ni Speaker Cayetano, pagsisikapan nila na maging ‘Congress of the People’ ang Kamara upang mabura na ang negatibong tingin ng mga tao sa Kongreso. Kaya naman, ‘work, work, work’ ang mga kongresista.

Comments are closed.