KAMATIS KA-PRESYO NA NG BABOY

NAGMAHAL ang kamatis sa mga pamilihan sa Metro Manila matapos ang holiday season na umaabot na sa P320 kada kilo at halos ka-presyo na ng isang kilo ng karne ng baboy, ayon sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).

Sinabi ng DA na ang pagtaas ng presyo ay matapos na maging isa sa pangunahing rekado sa karamihan ng handa ang kamatis.

Dinidiskartehan na lamang umano ng mga mamimili ang pagbili nito sa pamamagitan ng pagbabawas ng bilang ng binibili upang kahit papaano ay maisahog pa rin para sa kanilang mga pang-ulam.

”Binawasan ko ang pagbili, sobrang mahal…so hindi naman siguro praktikal na maglagay ng marami,” ayon kay Lot Martines, mamimili.

Bago ito pumalo sa P210 hanggang P360 kada kilo ngayong Enero, umaabot lamang ang presyo nito sa P210 hanggang P300 kada kilo sa price monitoring ng DA noong Disyembre 31, 2024.

“Sobrang taas ngayon ng kamatis. Ang sabi ng mga supplier wala silang supply. Tiyaga, tiyaga lang.

Hanap, hanap lang. Divisoria at Balintawak ako paikot-ikot. Kahit isang piraso wala akong makita e. May nakuha nga ako hindi pa ganun. Talagang hilaw na hilaw,” sabi ni Hadji Bakar, nagtitinda ng kamatis.

Sa Litex Market naman ay umaabot sa P280 ang kada kilo ng kamatis.

Sa Ilocos Norte, nasa P180 kada kilo ang farm gate price ng kamatis. Aabot naman sa P220 kada kilo ang presyo sa mga pamilihan doon.

Sa Bataan, pumapalo na rin sa P200 kada kilo ang presyo ng kamatis sa bayan ng Orani at Dinalupihan.

Tumaas din ang presyo ng ilang gulay. Sa price monitoring ng DA noong Enero 3, ang carrots na P150 hanggang P230 kada kilo ang presyo noong Disyembre 31, 2024 ay P160 hanggang P300 noong Enero 3; ang patatas na P130 hanggang P210 kada kilo noong Disyembre 31, 2024 ay P130 hanggang P220 noong Enero 3; at ang pechay tagalog na dati ay P70 hanggang P100 kada kilo ay P60 hanggang P130 ang presyo nitong Enero 3.
Ma. Luisa Macabuhay- Garcia