KAMATIS PERFECT NA NEGOSYO NGAYONG SUMMER

PARA sa mga may insomnia, o kahit wala pa, heto ang negosyong kakain ka na, kikita ka pa, di ka pa aalis sa tapat ng bahay ninyo.

Mga misis, gamitin ang inyong inventive imagination. Ano ba ang pinakamurang mabibili ngayon sa palengke? Dahil panahon na ng ani ng kamatis, e di kamatis! Kinse pesos lamang ang isang kilo. Gumawa tayo ng paraan para pagkakitaan ito.

Hindi panghalo lamang sa ginisa ang kamatis. Pwede itong main dish o kahit pa dessert. Unahin natin ang main dish – ang tortang kamatis – at isusunod natin ang dessert, na candied tomatoes. Heto po ang mga sangkap at pamamaraan ng paghahanda.

Sa tortang kamatis, kailangan natin ng isang kilo ng kamatis syempre (P15) at limang itlog (P7 each). Kailangan din ng mantika (P20). Alisin ang buto ng kamatis at hiwain ng maliliit pero hindi naman pinong pino. Lagyan ng asin at paminta, pwede ring dagdagan ng aji-ginisa o magic sarap, ½ cup ng harina, at isama ang limang itlog. Batihing mabuti at iprito sa mantika. Mas mabuti kung non-stick ang inyong kawali pata mas madali ang pagpiprito. Ako po, bumili ako ng single egg frier na P50 ang presyo, at doon ko ipiniprito ang tortang kamatis. Makakagawa po ng 20 piraso ng torta sa isang kilong kamatis.

Para naman sa candied tomatoes, kailangan ponatin ng isang kilong kamatis uli, isang kilong brown sugar at isang kutsaritang apog.

Hatiin ang kamatis at alisin ang buto. Ibabad magdamag sa tubig na may apo. Patigisin kinabukasan matapos hugasan ng malinis na tubig. Huwag pong ibibilad sa araw. Siguruhing tuyo nab ago lutuin. Aabutin po ng dalawang oras bago tuluyang tumigis ang tubig.

Kapag nakatigis na, lutuin ang arnibal na isang kilong asukal at isang tasang tubig. Kapag kumukulo na, ilagay ang kamatis, at lutuin sa mahinang apoy hanggang matuyo ang tubig at kumapit na ang asukal sa kamatis. Alisin sa apoy at isalin sa baking sheet para hindi magdikit-dikit. Gumamit ng tinidor para paghiwa-hiwalayin ang ang mga kamatis. Patuyuin sa hangin ng isang oras, o itapat sa electric fan hanggang tumigas ang arnibal. Pag tuyo na, pwede nang balutin o ilagay sa candy jar. Ayan, meron na kayong candy na paninda o pagkain ng inyong anak, na bukod sa sigurado kayong malinis ay masustansya pa. Napakasarap po ng candied tomatoes dahil makunat ito at nag-aagaw ang tamis at asim ng kamatis.

Costing

Sa tortang kamatis, gumastos  tayo ng P15 sa isang kilo ng kamatis, P35 sa limang itlog (P7 each), P20 sa mantika, P2 sa asin at paminta, P2 sa aji-ginisa o magic sarap, P3 sa  ½ cup ng harina, at P20 sa panggatos at labor dahil madali lang naman itong gawin at lutuin. Umabot po sa P97 ang ating puhunan kasama na ang LPG at labor cost kaya isarado natin sa P100 para madaling kwentahin. Dahil nakagawa po tayo ng 20 piraso ng torta, lumalabas na P5 ang puhunan bawat piraso. Medyo malalaki po ito kaya pwedeng  ibenta ng P10 ang isa, kaya may kita tayong P100.

Sa candied tomatoes naman, P15 sa isang kilong kamatis, P40 sa isang kilong brown sugar at P5 sa isang kutsaritang apog. May puhunan tayong P60. Idagdag natin ang P20 na labor cost at panggatong, at P6 na pambalot (Japanese paper), kaya aabot din sa P76. Umabot  sa 52 piraso ang candies kaya lumalabas na P1.50 ang puhunan natin bawat isa. Kung ibebenta natin ito ng P2 each, kikita tayo ng P26 lamang, pero kung ibebenta natin ito ng P3, makakabenta tayo ng P156 at kikita tayo ng P80. Pwede rin po siguro sa P5 each kung saan makakabenta kayo ng P260 at kikita kayo ng P184.

Magkita tayong muli sa mga susunod na labas ng Negosyo online sa Pilipino Mirror. Kung mayroon kayong mga tanong o may recipe kayong gustong ipa-feature, sumulat po lamang sa [email protected]. NENET L. VILLAFANIA

One thought on “KAMATIS PERFECT NA NEGOSYO NGAYONG SUMMER”

Comments are closed.