KAMAY NA BAKAL AT DISIPLINA SA MINIMITHI NATING PAGBABAGO

KAMAKALAWA, dear readers, ay ginunita natin ang ika-14 anibersaryo ng “Maguindanao Massacre” kung saan 32 journalists sa 58 tao ay marahas na pinaslang at ibinaon sa mga hukay sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 – na ang suspek ay ang kilalang angkan sa Mindanao.

Sadyang peligroso ang buhay ng mamamahayag, pero sa kabila nito, nananatili pa ring maalab, masigla ang tapang ng marami sa amin sa pagbatikos sa maraming kabulukan sa gobyerno at mga pribadong tao o kompanya na nagpapahirap sa taumbayan.

Maraming grupo ng mamamahayag ang nagsabi na napakaliit na porsyento lang ang nahatulan sa mga suspek sa pagpatay sa mga mamamahayag.

May paniniwala naman na marami sa mga pagpatay sa journalist ay hindi dahil lang sa may inupakan o may kaugnayan sa trabaho, anila, posible mga personal na dahilan.

Gayunman, marami sa pagpatay na naisampa sa hukuman ay makikitang may kinalaman nga sa trabaho ng kapwa natin mamamahayag na biktima ng kalupitan ng mga politiko o mga taong may kapangyarihan sa gobyerno.

Dahil sa ganitong sitwasyon, nagiging mahirap, matagal ang paghahanap ng katarungan para sa biktima at kanilang mga pamilya.

Kaya uulitin ko at ilang ulit ko nang tinalakay ito, dear readers, sa mga igan natin na nagtanong, hindi para sa mahihina ang puso, walang matatag na tibay ng kalooban at tapang ang propesyon ng pamamahayag.

At ika ko, kaya may nangyayaring ganoong pananakot at kaso ng pagpatay ay mayroon kasing ilang kapatid sa propesyon ay hindi propesyonal, masasabing abusado nga at hindi batid o walang pakialam sa kakabit na responsibilidad sa paghahayag ng opinyon at pagbabalita.

‘Yung iba kasi sabi ko ay iresponsable talaga, hindi parehas at mahilig pang gamitin ang power of the press sa katiwalian.

Banat na lang kasi nang banat, kahit alam na hindi totoo, kasinungalingan ang isinusulat, at ang paniniwala sa sarili, sila ay may kapangyarihang itaas at ibagsak ang dangal at integridad ng biktima ng iresponsableng pamamahayag.

Sa mga nakausap ko, na ‘old timers’ nananatili pa rin ang freedom of the press, of expression sa bansa, at naaabuso pa nga ang kalayaang ito.

Tanging noong panahon ng martial law noong 1972, sabi ng old guardians of the press, nakaranas sila ng pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag.

Siyempre kung masyado kang kritikal sa gobyerno at nagkakalat ng kasinungalingan ang isang print at brodcast media, may karapatan ang Estado na ipagtanggol ang sarili nito sa mga tao o pangkat na nais itong siraan at ibagsak.
0O0
Bakit nga naman ‘di na gawing non-bailalable ang kasong economic sabotage, perpetual life imprisonment at multang hindi bababa sa P100 milyon ang penalty o multa sa mapatutunayang guilty sa krimeng ito?

Kamay na bakal na po ang gamitin, mahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga nananabotahe ng ekonomiya ng bansa.

Noong panahon ng yumaong si Mr. Lee Kuan Yew (LKY), ang ama ng Singapore, na dahil sa Kamay na Bakal na pamamahalang pinairal niya, mula sa pagiging 3rd world ay naging 1st world country ang kanyang bansa.

Kung ikukumpara nga naman ang Pilipinas sa Singapore, wala itong sinabi kung natural resources ang pag-uusapan: wala ito ng napakayamang lupang sakahan, walang tubig irigasyon at mayamang tubig dagat na tulad na mayroon tayo.

Noon, mas maunlad tayo sa Singapore nang matapos ang World War II at tayo noon ang isa sa pinakamalakas na ekonomya sa Far East, pero ngayon, kulelat na tayo at nakalulungkot aminin, ito ay sa kabila na ipinagmamalaki natin na tayo ay isa sa magandang ehemplo ng isang demokratikong bansa.

Si Mr. Lee, ang tinaguriang Southeast Asia’s miracle man — na tinangka na tularan ng maraming lider ng bansa sa Asia tulad ni Indonesian Presidents Sukarno ; nina Tungku Abdul Rahman, Abdul Razak, Hussein Onin at Mahathir ng Malaysia at ng tatay ni PBBM, dating Pres. Ferdinand ‘Macoy’ Marcos.

Pinangarap rin ito ng ina ng Demokrasya raw na si Tita Cory Aquino at ng mga sumunod sa kanya, pero pawang nabigo, kaya eto tayo ngayon, kung sa karera, kulelat at huli sa finish line.

Ito ang katotohanan, ayaw man nating tanggapin.

Kamay na Bakal, mahigpit na disiplina at matinding patritotismo ang nag-angat sa Singapore sa kinalalagyan nito bilang isa sa pinakamalaking Finance Center ng Asia at ng mundo.

Sa loob ng mahigit 30 taon mula Agosto 1965 nang maging malayang bansa ang Singapore, gamit ang malakas na liderato, di matitinag na political will, pagtitipid, paggawa ng tamang batas, patakaran at totohanang pag-aalis ng mga mali at bulok na patakaran sa burukasya, nagtagumpay si Mr. Lee na maitayong marangal ang Singapore.

Kung nagawa ni LKY na maging modelo ng matayog na pag-unlad ang Singapore, bakit hindi ito nagawa sa Pilipinas?
0O0
Sa totoo lang mga masugid kong tagasubaybay sobrang inggit na inggit ang inyong abang lingkod sa Singapore, at kung titingin tayo sa ating katabing bansa, masakit man tanggapin ang katotoha e aminin na natin, nalampasan na tayo ng Vietnam — na dinurog ng US war sa loob ng 30 taon –, nadaig na rin tayo ng Thailand, Malaysia, Indonesia at ng iba pang maliliit na bansa sa South East Asia.

Matagal na tayong iniwanan ng Japan na dinurog ng dalawang bomba Atomika noong 1945.

Hindi na natin babanggitin ang China na ngayon ay ikatlo sa pinaka super power na bansa kasunod ng Russia at USA.

Iisa ang nakikita nating dahilan ng mabilis na pagsikad ng ekonomya ng mga katabi nating bansa sa SEA: Disiplina, pagkamakabayan, Kamay na Bakal at matatag na liderato na suportado ng mamamayan.
0O0
Isa pang dahilan, sa loob ng mahigit na 50 taon dahil sa insureksiyon, napigil at nabansot ang ating paglaki.

Umunlad ang mga bansang binanggit natin dahil sa madali nilang natalo ang rebelyon ng mga armadong nais ibagsak ang kanilang gobyerno, at tayo — hanggang ngayon, kahit namatay na ang lider ng komunistang si Joma Sison at halos wala na ang rebeldeng Muslim na noon pa ay nais tumiwalag sa ating Republika, nananatili pa rin silang matalim na pako sa paa ng ating mabilis na pagtakbo bilang isang malaya at demokratikong bansa.

Ang matatalinong kabataan sa mga piling unibersidad na may dinamikong lakas upang isulong sa pag-unlad ang Pilipinas, mas abala sila sa pag-iingay, protesta, at laging kontra sa sinomang lider ng bansa at panay ang nguyngoy sa kahit maliliit na bagay at laging sawsaw nang sawsaw sa mga propagandang nagliligaw sa atin sa tamang direksyon sa pagkamakabayan.

Kamay na Bakal laban sa matatakaw na Oligarkiya, wala tayo niyon; kamay na bakal laban sa korapsiyon, kinalawang na yata; kamay na bakal laban sa mga tiwali sa gobyerno, kinalawang na rin yata.

Opo, dear readers, ito ang wala sa atin, at tanggapin natin, kahit ayaw ng mga galit kay Digong Duterte, may nakita tayong malaking pagbabago pagkat naipakita niya ang paggamit ng Kamay na Bakal laban sa ilegal na droga at binangga ang malalaking oligarko.

ngayong si PBBM na ang may hawak ng renda ng gobyerno ay inaasahan natin na sa loob ng susunod na limang taon, nais nating makita ang Kamay na Bakal ng ninanais nating pagbabago.
0O0
Ngayon na po ang tamang panahon Pangulong Marcos na subukan ang paggamit ng Kamay na Bakal laban sa mga ismagler, hoarders, profiteers at mga tiwali sa gobyerno upang madisiplina, maibangon at mapalakas ang patriotismong ipinagbuwis buhay ng ating mga bayaning Pilipino.

Umaasa ako, sa ating henerasyon at sa susunod pa, makita natn na ang Pilipinas ay matatayo nang matatag, nakikipagkumpetensiya sa mga kalapit bansa sa ASEAN sa larangan ng kabuhayan at kaunlaran.
0O0
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected]