KAMAY NA BAKAL SA BOC

Magkape Muna Tayo Ulit

SINABI ni Pangulong Duterte na pansamantalang patatakbuhin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Bureau of Customs (BoC) upang mawakasan na ang korupsiyon at pagpuslit ng mga ilegal na kontrabando, lalong-lalo na ang mga ilegal na droga sa ating bansa.

Ito ang naging desisyon ni Duterte matapos na ilang ulit na napalusutan ang BoC ng bilyong pisong halaga ng ilegal na droga noong panahon ng dalawang hepe ng nasabing ahensiya na sina Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña.

Bagama’t magkahiwalay na binatikos at pinagsuspetsahan ng ilang mambabatas sa kanilang imbestigasyon sa Kongreso sina Faeldon at Lapeña na maaaring sangkot sa pagpasok ng nasabing mga droga, inabsuwelto pa rin ang dalawa ni Duterte. Ang paliwanag ng ating Pangulo ay mataas pa rin ang kanyang tiwala sa dalawang mga dating sundalo. Imposible, aniya, ang paratang ng mga ilang tao na sangkot ang dalawa sa pagpuslit ng droga.

Sa katunayan nga ay hindi sila sinipa sa kanilang puwesto bilang mga hepe ng BOC. Bagkus ay inilagay si Faeldon sa Bureau of Corrections bilang kapalit ni dating PNP chief Roland ‘Bato’ Dela Rosa. Hinirang naman si Lapeña  bilang susunod na TESDA chief.

Tila malaki ang respeto at mataas ang pagtingin ni Pangulong Duterte sa ating mga sundalo. Marahil ay naniniwala siya na marami pa rin sa ating mga sundalo ay umiiral sa kanilang kaisipan ang tinatawag nilang ‘Code of Ethics’. Sinasabi sa kanilang Paunang Salita o Preamble na hangad nila na ang isang organisasyon na propesyonal na may buong pagtitiwala at respeto ng sambayanan. Tiwala na ipagtatanggol ang ating mamamayan, estado, ang mga demokrasyang institusyon ng bansa at integridad ng ating teritoryo.

Kaya ang pag-utos ni Duterte na pansamantalang ipaloob sa militar ang BOC ay tugon sa paunang salita ng Code of Ethics ng AFP. Ito ay kung tunay na gagampanan nila ang kanilang adhikain.

Ito namang mga makakaliwa at militanteng grupo, natural na babatikusin ang desisyon ni Duterte. Hindi raw tama at ‘unconstitutional’ at i­legal ang hakbang na ito. Haaaay, kayo talagang mga militante. Wala na kayong ginawa kung hindi magbatikos subalit wala naman kayong kongkretong solusyon upang mahinto ang paglaganap ng droga at korupsiyon sa gobyerno.

Malinaw na ‘temporary’ ang pagpasok ng AFP sa BOC habang nag­hahanap pa ng kapalit kay Lapeña. Ang hakbang na ito ay upang ayusin, linisin at tanggalin ang mga bulok at korap na opisyal sa BOC. Ayaw ba nina Congressmen Zarate at Tinio ito?! Panay ang batikos nila sa korupsiyon sa gob­yerno. Ngayon naman na may magandang solusyon si Duterte, mali pa rin sa kanila! Ano ba talaga, kuya???

Tandaan…mapagmatiyag at matalino na ang sambayanan. Kung ang ipinalalabas ng mga oposisyon ay ang pagbalik ng batas militar, hindi mangyayari ito. Mala­yang umaandar ang ating demokrasya. Nandiyan ang Kongreso at hudikatura upang bantayan ang kilos ng ating ehekutibo.

Ayon sa huling survey, tumaas muli ang trust rating ni Duterte. Nasa 74% ang kontento sa pamamalakad niya. Ito, marahil. ay dahil sa estilo niyang kamay na bakal laban sa kriminalidad, korupsiyon at ilegal na droga.