WALANG kagatol-gatol na inihayag ng isang ranking lady house official ang kanyang mahigpit na pagsuporta na pairalin ang ‘kamay na bakal’ upang masigurong makatotohanang maipatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon region.
“I will always abide what the national government wants to ensure na hindi na makakapanghawa pa ang virus (COVID-19) na ito. Unang-una, batid natin maraming mga pasaway at kung kinakailangan ang kamay na bakal para masawata ito, I will fully support it,” ang tahasang sabi ni House Assistant Majority Floor Leader at ACT-CIS party-list Rep. Niña Taduran.
Ayon sa ACT-CIS party-list congresswoman, dapat tanggapin ng lahat “ang reyalidad na hindi pa tayo makakabalik sa kabuuang normal na nakagawian natin lalo pa’t mayroong umiiral na social distancing,” at iba pa kaugnay sa implementasyon ng ECQ.
Pagbibigay-diin ni Taduran, kailangan ang mas maigting na pagpapatupad ng ‘community lockdown’, na hindi lamang para matututo ang mga mamamayan na sumunod sa kung ano ang batas kundi para na rin sa kaligtasan ng lahat mula sa nakamamatay na coronavirus disease.
Ang nagaganap umanong COVID-19 pandemic ay hindi isang biro, hindi laro o pakana lamang dahil buhay ng bawat isa ang nakasalalay at kailangang ang ibayong pagtulong at pakikiisa ng lahat para malampansan ito
‘Huwag na tayong maging bahagi ng problema; ‘dun na lamang po tayo sa hinahanap nating solusyon.Tama ang ating mga eksperto, mas nakakatakot ang tinatawag na second wave; kaya bago pa man ito maranasan sa atin; simulan po natin ang DISIPLINA at KOOPERASYON upang sama-sama nating mapagtagumpayan ang laban na ito,’ panawagan pa ACT-CIS party-list representative.
Samantala, ani Taduran, mahalagang tignan ang naging karanasan ng Singapore sa pagkakaroon ng lockdown sa kanilang bansa sa pagpapasiya kung dapat bang muli pang palawiging o hindi ang ECQ sa pagtatapos nito.
Makabubuti umanong magkaroon ng modified o selective lockdown kasunod nang pag-aalis sa ECQ, “lalo na sa mga area na mataas ang bilang ng kaso, PUMs at PUIs,” para na rin mapadali umano ang monitoring ng health department sa mga ito.
“Mananatiling sarado ang malls pero ang mga essential services dapat manatiling bukas gayundin ang operasyon ng manufacturing indus-tries; pairalin ang protocol ng social distancing at paunti-uting buksan ang public transport pero may restrictions sa magiging biyahe ng mga pasahero.” Ang paglalarawan ng House assistant majority floor leader sa inirerekomendang ‘selective ECQ’. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.