Nenet L. Villafania/Photos by Edwin Alcala
NGAYONG papalapit na ang cuaresma, isa-isahin natin ang mga simbahang pinagdarayo ng mga mananampalataya at nagsisilbi na ring tourist destination. Isa rito ang Kamay ni Hesus Healing Church, kilala rin sa tawag na Kamay ni Hesus Shrine, isang Roman Catholic church and tourist destination na matatagpuan sa Lucban-Tayabas Road sa barangay Tinamnan, Lucban, Quezon province, na nasa ilalim ng pangangalaga ng Roman Catholic Diocese of Lucena.
Nagsimula ang pagpapagawa ng nasabing lugar noong February 2002, na ang salaping ginamit ay mula sa mga donasyon at manang natanggap ng founder. Pansamantala itong isinara noong 2020 at 2021 dahil sa travel restrictions na may kinalaman sa pandemya.
May healing chapel ang dambana, kung saan nagsasagawa ng misa. Ang chapel ay may kapasidad na 1,000 katao ngunit kadalasan, sa dami ng mananampalataya, ay sobrang napupuno kaya nagsisiksikan.
Natapos ang tinatawag na “healing dome”, na kalaunan ay tinawag na ring Healing Church of the Risen Christ, noon lamang November 2022. Malapit lamang sa simbahan at sa chapel ang isang burol kung saan makikita ang way of the Cross at statue na nagpapakita naman ng ascension of Jesus o pag-akyat ni Jesus sa langit matapos ang 40 araw na pamamalagi sa lupa. Matatandaang si Kristo ay ipinako at namatay sa krus, ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw. Mula sa araw ng kanyang muling pagkabuhay, nanatili siya sa lupa sa loob ng 40 araw upang magbilin sa kanyang mga apostoles at sa kanyang ina, na ipagpatuloy ang kanyang nasimulan.
May outdoor museum din ang shrine, kung saan matatagpuan ang mga replica ng Biblical events and characters.
Bumisita ang pamilya ni Flora Digno Rogelio sa Kamay Ni Hesus kamakailan at nagkaroon sila ng isang relaxing experiance. Ayon sa kanila, napaka-friendly ng atmosphere na mayroon ding religious touch. Marami rin umanong mabibilhan ng pasalubong, regalo at pagkain, at madalas din ang misa kaya hindi sila naghintay ng matagal. Umaasa silang isang araw ay makababalik sila sa nasabing simbahan.
“Lagi ko naririnig sa iba ang Kamay ni Hesus sa Lucban, Quezon kaya na-excite akong pumunta dito kasama ang aking pamilya,” ani Flora.
“Halos tanghali na kaming dumating, pero nagawa pa rin naming umakyat sa burol,” dagdag pa niya. “Pagpasok mo pa lamang sa gate, makikita mo na ang mga estatwa ng mga santo na donated ng mga tao. Sa ibaba ng burol ay may simbahan na pwede kang magdasal bago umakyat sa bundok.
Marami ring tindahan kung saan pwede kang bumili ng souvenirs, pagkain at iba pa.”