RIZAL- NATAPOS na ang misteryo tungkol sa mga malalaking “Kami Naman” murals na nagsulputan sa iba’t ibang lugar sa bansa nang ito ay ilantad sa kakatapos lamang na “Kalikasan, Kabataan, Kagitingan” youth music festival sa Montalban Sports Complex sa lalawigang ito.
Hatid ng SAVE ME Movement (Students’ Actions Vital to the Environment and Mother Earth Movement), tampok sa youth music festival ang ang mga batikan na mga musikero at mang-aawit tulad nila CJ Villavicencio na nagsilbing host, I Belong to the Zoo, Dilaw, Janina Teñoso, Illest Morena, Johannes Rissler, Kyle Echarri, at may special performance pa ni Gian Madrigal at Lara Maigue.
Ang mga “Kami Naman” murals ay isang simbolo ng nararamdaman ng maraming Pilipino sa mga nangyayaring bangayan sa gobyerno na hadlang sa pag-unlad ng bayan. Ang mga mural ay nagpapahiwatig ng pagnanasa ng taong bayan na magkaisa ang ating mga namumuno at itigil na muna ang pamumulitika, itigil na ang gulo. Pagtuunan muna ng pansin ang pagserbisyo sa bayan at pagtugon sa mga daing ng mamamayan.
Patok ang mensahe ng Kami Naman sa mga kabataan na dumalo na ikinagalak ng SAVE ME Movement dahil isinusulong nila ang youth empowerment. Nawa’y ang mga Kami Naman murals ay manatiling magsilbing hudyat sa patuloy na paghangad ng pagkakaisa at pagpapaalala sa ating mga namumuno na bigyang halaga ang kapakanan ng bayan kaysa sarili nila. ARMAN CAMBE