MAGPAPATUPAD ang Commission on Elections (Comelec) at ang Facebook Philippines ng ‘no political campaign policy’ sa Huwebes at Biyernes Santo na natapat sa mga petsa ng Abril 18 at 19, gayundin sa Mayo 12 na bisperas ng May 13 midterm polls.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, nakabuo na sila ng sistema para mas mapabilis ang aksiyon kontra sa political ads sa Facebook.
Sinabi ni Jimenez, basta’t ang nakapaskil ay nangangampanya para iboto ang kandidato ay aalisin ito sa sirkulasyon ng FB sa nasabing mga araw.
“Ang magiging kuwestiyonable riyan, ‘yung mga report na, kumbaga sa diyaryo ay ‘yung advertorial, ‘yung nagma-masquerade siya as different kind of story but actually it is an ad. So doon na lang medyo baka tumagal. But for about 95 percent of the ads, if they are clear political ad then they will be taken down immediately,” ani Jimenez.
Kaugnay nito, nanawagan si Jimenez sa netizens na tumulong at isumbong sa Comelec o kaya ay sa FB, sakaling may makita silang political ad sa nasabing mga araw para agad itong maalis.
Ang panahon ng kampanyahan para sa national candidates ay nagsimula noong Pebrero 12 habang umarangkada naman ang campaign period para sa local candidates noong Marso 29.
Nakatakda naman itong magtapos sa Mayo 11, o dalawang araw bago ang araw ng halalan sa Mayo 13. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.