LAGUNA-PINAIGTING ng pamahalaang panlalawigang ito ang kampanya laban sa nakamamatay na Dengue sa ginanap na programa kaalinsabay sa pag- obserba sa Dengue Prevention Month.
Isang giant effigy ng nakamamatay na lamok ang ipinakita na pinupukpok ni Laguna Governor Ramil Hernandez bilang pagpapakita na seryoso ang kanyang tanggapan na maglunsad ng mga aksiyon at preventive measures para hindi kumalat ang naturang sakit.
Kasabay nito, nanawagan ang Gobernador sa lahat ng mga Laguneño na pagtuunan ng pansin at maging alisto sa kani- kanilang tahanan para ganap na makontrol ang pagkalat ng sakit.
Matatandaan na ang Laguna ang isa sa lalawigan sa Calabarzon na nakapagtala ng mataas na bilang ng mga nagkasakit na Dengue kung saan ilan sa mga ito ang nasawi.
Kabilang sa mga dumalo sa launching at programa ng aksiyon laban sa Dengue ang matataas na opisyal ng provincial health office, mga lider ng LGU, department heads at empleyado ng lokal na pamahalaan.
Nangako naman ang mga opisyal ng LGU na dumalo sa nasabing okasyon na hihikayatin nila ang kanilang constituents na magsagawa ng kanilang bersiyon sa pagpuksa sa sakit na Dengue. ARMAN CAMBE