NAGPAHAYAG ng buong suporta ang lokal na pamahalaan ng Parañaque sa kampanya ng Department of Agriculture-Bureau of Animal and Industry’s (DA-BAI) tungkol sa pagpapalawak ng kaalaman laban sa African Swine Fever (ASF).
Kaugnay nito ay inorganisa ng BAI ang paglilibot na may temang “Ang Bagong Hamon kay Super Pig” na ginanap sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) nitong Miyerkoles Santo (Abril 5).
Sinabi ni Special Services Office (SSO) officer-in-charge (OIC) Majel Co, na siyang nagrepresenta kay City Mayor Eric Olivarez, na matagal nang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa gobyerno sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas upang maiangat ang industriya ng livestock at meat sa pamamagitan ng pagbuo ng Veterinary Service Office (VSO); pagpapatupad ng City Ordinance ng Meat Inspection Code; pagpapatupad ng executive orders ng Olivarez tungkol sa Task Force Bantay Karne; at ang pagpapalawig ng programa na lumalaban sa posibleng epekto ng ASF sa lungsod.
“Our Mayor has always been firm with the enforcement of law, and never interferes with the meat hygiene operations of the city VSO,” ani Dr. Karen Vicencio, City Veterinarian, na inirepresenta naman ni Dr. Sammy Santos.
Binigyang importansya sa kaganapan ang reponsibilidad ng mga residente sa lungsod na pagbibigay ng proteksyon sa hog industry sa pamamagitan ng hindi pagkuha ng baboy at produkto sa biyahe ng inter-island dahil sa posibilidad na ang virus ng ASF ay maaaring madala sa mga patutunguhang destinasyon.
Naging pangunahing krisis ang ASF sa pork industry sa mga nagdaang taon dahil sa 100 percent mortality rate nito.
Nakaapekto rin ang ASF hindi lang sa ilang rehiyon sa bansa kundi pati na rin sa buong mundo na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nadidiskubreng bakuna na pipigil laban dito. Marivic Fernandez