(Kampanya ng DOLE) HOLISTIC APPROACH VS CHILD LABOR

child labor

PATULOY ang kampanya ng Department of Labor and Employment (DOLE), katuwang ang mga social partner para sa pinaigting na hakbang upang mapuksa ang child labor at iba pang uri nito.

Binigyang diin ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na nanguna sa taunang paggunita sa World Day Against Child Labor sa Pasay City, ang kahalagahan ng pagbibigay ng ayuda sa mga child laborer at kanilang pamilya, higit lalo ang mabigyan sila ng tulong para sa kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng karapatan para sa maayos at dekalidad na edukasyon.

Nagpaalala rin ang kalihim sa daan-daang estudyante na dumalo sa nasabing aktibidad na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral upang magkaroon ng disenteng trabaho at magkaroon ng magandang kinabukasan na malayo sa pang-aabuso at eksploytasyon.

Noong Enero 2017, ang DOLE at Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang iba’t ibang ahensya at organisasyon ay nagkasundo para sa kampanya upang ma­ging child-labor free ang Filipinas sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga proyekto tulad ng CARING Gold Project ng International Labor Organization at BanTo­xics, ang ‘Strategic Help Desks for Information, Education, Livelihood and other Developmental Interventions against Child Labor,’ at ang ­modyul sa ‘Child Labor for the Family Development Sessions of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program.’

Dagdag pa rito, aabot na rin sa 85,582 child laborer sa 16 na rehiyon ang na-profile ng DOLE at 18,651 rito ang naisangguni na sa nararapat na ahensya upang mabigyan ng kinakaila­ngang tulong at serbisyo ang mga kabataan at kanilang pamilya.

Binigyan rin ang mga magulang ng mga child laborer ng tulong pangkabuhayan sa pamamagitan ng Negokart at starter kit upang makapagsimula ang kanilang mga pamilya ng maliit na negosyo na isa sa pamamaraan upang mapuksa ang child labor.

Nasa proseso na rin ang DOLE, sa pamamagitan ng mga regional at field offices ng pagtanggap sa mga community facilitator at enumerator upang mapabilis ang profiling ng mga child laborer, higit lalo sa mga lugar na mayroong mataas na insidente ng child labor.

Ang mga inis­yatibong ito ay tugma sa Philippine Development Plan 2017-2022, na naglalayong maibaba ang mga kaso ng child labor sa 30 porsiyento o 630,000 mula sa tinatayang 2.1 milyong child laborer sa buong bansa. PAUL ROLDAN

Comments are closed.