KAMPANYA VS AIDS PALALAKASIN

REP-ANDAYA

PIRMA  na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay  para tuluyang ma­ging ganap na batas ang HIV-AIDS Policy Act.

Sinabi ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., sa oras na maging batas na ito ay hihigpitan ang polisiya at palalakasin pa ang kampanya laban sa HIV-AIDS.

Layunin nito na hindi man mawakasan ay mabawasan ang bilang ng mga kaso ng HIV-AIDS sa bansa.

Inaamyendahan din ng panukala ang RA 8504 o ang Philippine National Aids and Control Act of 1998.

Umaabot na sa mahigit 50,000 ang mga Pinoy na may  HIV-AIDS sa kasalukuyan  o katumbas ng 31 Filipino ang nahahawaan ng sakit na ito sa kada araw.

Batay naman sa ulat ng Philippine National Aids Council (PNAC), kung hindi magagawan ng paraan ng gobyerno na pigilan ang pagkalat ng naturang sakit ay posibleng tumaas sa 250,000 ang mga kaso ng may HIV-AIDS pagsapit ng 2030.

Batay sa pinakahu­ling datos ng Department of Health (DOH), nito lamang Agosto 2018 ay nakapagtala ang ahensiya ng 1,047 bagong kaso ng HIV, at 159 sa mga ito ang nasawi dahil sa  nasabing sakit sa nasabi ring buwan.

Kamakailan ay nag­pahayag ng paniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang pagbaba ng moralidad ng tao ang isa sa mga pangunahing dahilan ng tumataas na kaso ng HIV-AIDS infection sa bansa, partikular na sa  kabataan.

Para kay Father Norman Peña, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Culture, normal sa kultura ng mga Filipino ang pagiging konserba­tibo at ang pagkakaroon ng mataas na moralidad dahil sa pagiging isang Kristiyanong bansa ng Filipinas.

Gayunman,  dahil sa nagbabagong impluwensiya ng lipunan ay kapansin-pansin ang pagbaba ng moralidad at unti-unti nang pagi­ging agresibo ng mga kabataan, kahit pagda­ting sa mga sekswal na aktibidad.

Comments are closed.