NAGSANIB-PUWERSA na ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTR), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) para paigtingin ang panghuhuli sa sa mga colorum vehicle sa buong bansa.
Kahapon ay lumagda sa kasunduan ang mga opisyal DILG, DOTR, MMDA at PNP para paigtingin ang paghuhuli sa mga colorum sa kalsada.
Batay sa record, nasa 30% ng mga pampublikong sasakyan sa bansa ang walang lehitimong prangkisa.
“Siguro hindi mahirap gawin 100 percent kung mabawasan ng 90 percent, malaking tulong sa legit at pagbawas sa trapiko, “ ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.
Habang nilinaw ng DOTR na kasama sa pupuntiryahin ng nagsanib-puwersa ang mga transport group na hindi magko-consolidate hanggang sa pagtatapos ng deadline sa Abril 30.
Ito ay dahil pagkatapos ng deadline ay maituturing nang kolorum ang mga hindi nagpa-consolidate.
“Pag ’di renew considered colorum kasama sila sa huhulihin, “ anang Kalihim.
Sinabi naman ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes na tukoy naman nila ang mga ruta ng mga tsuper na hindi nag-consolidate.
“Identified naman ang routes saan may transport group na hindi nag-consolidate magkasa joint operation kami para mahuli ang colorum hindi lang ilegal pati hindi nag-consolidate,” ayon kay Artes.
Samantala, nagbabala si Interior Secretary Benhur Abalos sa gumagamit sa pangalan niya para malusutan ang panghuhuli.
“May issue ginamit pa pangalan ko, Jaz abalos na kamag-anak ko raw lalo kong pinatuluyan kung kamag-anak dapat makulong,” diin ni Abalos.
Sinabi naman ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na gagamitin nila ang Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) para hulihin ang mga pulis na makikipagsabwatan sa mga may-ari ng colorum na sasakyan at mga driver nito.
Paalala ng MMDA, DOTR, PNP at DILG, aabot sa P200,00 hanggang P1 milyon ang multa sa colorum vehicle kaya iwasan na ito.
EUNICE CELARIO