KAMPANYA VS DEPEKTIBONG LPG PAIIGTINGIN

LPG-5

DAHIL sa kabi-kabilang sunog na sanhi ng mga depektibong LPG na ilegal na ibinebenta sa mga pamilihan, iminungkahi ni Senador Win Gatchalian ang pagkakaroon ng isang National Policy at Regulatory Framework para sa lokal na industriya.

Inihain ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, ang Senate Bill No. 1188 o ang An Act Providing for the National Energy Policy and Regulatory Framework for the Philippine LPG Industry na naglalayong palakasin at i-streamline ang mga batas at regulasyon na nakasasakop sa lokal na industriya ng LPG.

“Itong panukalang batas na ito ay hindi lamang magsusulong ng reporma sa industriya ng LPG sa bansa, bagkus, ito rin ay naglalayong matugunan ang iba pang problema na may kinalaman sa seguridad, kaligtasan, kalusugan at pangkalikasan. Layunin din natin na tiyakin ang kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Gatchalian.

Base sa datos ng Department of Energy (DOE), 53% o 49,174,460 na mga Pinoy noong 2011 ang gumagamit ng LPG para sa pang araw-araw nilang pangangaila­ngan. Sa tala ng DOE, tumaas ng 10.4% taon-taon ang pagbili o consumption ng LPG mula 2007 hanggang 2017.

Ayon sa senador, inilatag niya ang panukalang batas dahil na rin sa kabi-kabilang balita na ilan sa sanhi ng sunog sa bansa ngayong taon at noong 2018 ay dulot na rin ng depektibong LPG.

Sa panukala ni Gatchalian, inaatasan ang DOE na manguna sa pagpapatupad ng batas, kabilang na ang pag-regulate, pag-supervise, at pagbabantay sa lahat ng kasama sa LPG industry. Binibigyang pangil ng batas na ito ang DOE para isulong ang istriktong pagsunod sa pamantayan ng kalidad at kaligtasan na nakasaad sa Philippine National Standards o PNS.

Inaatasan ng SB 1188 ang lahat ng LPG players na kumuha ng license to operate mula sa DOE bago sila makapagsimula ng kanilang operasyon. Ang natu­rang lisensiya na ibibigay ng DOE ay magtatagal ng tatlong taon. Nakasaad din sa batas na kabilang sa sinasabing illegal acts ang hoarding, underfilling, illegal refilling, at pag-operate nang walang karampatang lisensiya.

Ang sinumang lalabag sa batas ay magmumulta ng mula P5,000 hanggang P10 milyon, depende sa nilabag na gawain. Maaari ring mabawi ang lisensiya, ma-impound ang produktong LPG at makulong ang mga hindi susunod sa batas.

Samantala, kasabay ng inaasahang pagdami ng mga bumibili ng LPG kasunod ng paghahanda sa Kapaskuhan, nanawagan ang senador sa lahat na maging wais sa pagbili para iwas aksidente. VICKY CERVALES

Comments are closed.