MAS pinag-ibayo ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya nito upang matuldukan ang modus ng mga fixer sa regional at district offices ng ahensiya sa buong bansa.
Kasunod ito ng pagkakaaresto sa dalawang hinihinalang fixers na nasa edad 74 at 34, kapwa naninirahan sa Brgy. Poblacion, Pamplona, nang maaktuhan na nagsasagawa ng ilegal na aktibidad sa opisina ng LTO sa Brgy. Del Rosario, Pamplona, Camarines Sur.
Kasabay nito, muling umapela si LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade, na huwag tangkilikin ang alok na serbisyo ng mga fixer.
Binigyang-diin ni Tugade na ang pagdaan sa “shortcut” at ilegal na paraan ng pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho o pagpaparehistro ng sasakyan ay maglalagay sa panganib sa buhay hindi lamang ng mismong drayber kundi maging ng kanyang mga pasahero at ng mga taong nasa lansangan.
Nahaharap na ang dalawang suspek sa kasong paglabag ng Section 12 ng Republic Act 9485 o “Anti-Red Tape Act of 2007.” BENEDICT ABAYGAR JR