KAMPANYA VS ILEGAL NA DROGA GAWING TULOY TULOY

Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangan na ipagpatuloy ang paglaban ng gobyerno laban sa ilegal na droga habang binanggit niya ang mga natamo ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte upang matugunan ang problema.

Giit ng senador na maaari ring matugunan ang iba pang sakit sa lipunan, tulad ng kriminalidad at korupsiyon, kung magpapatuloy ang paglaban sa ilegal na droga.

“Kapag nako-contain mo ‘yung illegal drugs, kasama na diyan ‘yung criminality at ‘yung korupsyon. ‘Pag lumala ‘yung drugs, babalik ‘yung criminality, babalik ‘yung korupsyon kasi makokorap na po ‘yung tao,” saad Go.

Binanggit din ng senador ang matibay na pangako ni Duterte na labanan ang ilegal na droga sa panahon ng kanyang pagkapangulo at maging bilang alkalde ng Davao City.

“Former president Rodrigo Duterte was passionate in the fight against illegal drugs, criminality and corruption. Partikular na dito ang laban kontra ilegal na droga dahil nakakasira po ito ng pamilya. Naging masidhi po ang kampanya kaya naman bumaba na ang kriminalidad noong panahon ni (dating) pangulong Duterte.

“Mahalaga na hindi masayang ang ating nasimulan at maipagpatuloy ang pagsugpo sa mga nasa likod ng ilegal na droga para masolusyunan din ang problema sa kriminalidad at katiwalian,” dagdag ng senador.

Binanggit din ng senador na ang kampanya ng FPRRD sa drug war ay nag-ambag sa pagbaba ng bilang ng krimen sa bansa.

Sa ulat ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, ang bilang ng krimen sa bansa ay bumaba nang husto ng 73.76% mula sa pagsisimula ng administrasyong Duterte noong 2016 hanggang 2021.

“Sa totoo lang po, sa nakita ko noong nakaraang administrasyon, kapag na-contain ang paglaganap ng ilegal na droga, kasamang bumababa ang krimen. Pero kapag lumala na naman po ang ilegal na droga, kapag dumami muli ang mga gumagamit nito, bumabalik ang kriminalidad,” ayon pa kay Go.

Nauna nang hinimok ni Go ang pamunuan ng Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government na ipagpatuloy ang pagpapanatili ng disiplina sa hanay ng pulisya sa bansa dahil sa mga ulat na may ilang pulis na sangkot sa ilegal na droga.

Gayunpaman, sinabi ni Go na sa kabila ng mga aksyon ng ilang hindi tapat na opisyal ng pulisya, mas maraming mga mapagkakatiwalaang opisyal na gumaganap ng kanilang mga tungkulin nang may katapatan at integridad.

“Disiplinahin po, mas alam po nila ang kanilang trabaho. Ako naman, naniniwala akong mas maraming pulis na matitino, maaayos magtrabaho.

“At hindi magiging successful ang kampanya ni (dating) pangulong Duterte na labanan po ang ilegal na droga at kriminalidad kung hindi po sa tulong ng ating mga pulis. Ako po ay naniniwala na kaya nilang linisin ang sarili nilang hanay,” pahayag pa ni Go.