KAMPANYA VS ILLEGAL WILDLIFE TRADE PINAIGTING

Secretary Roy Cimatu

HINDI tatantanan ng pamahalaan ang paglaban sa illegal wildlife trade hanggang sa tuluyang maubos ang mga ito matapos ang dalawang matagumpay na operasyon na nag­resulta sa pagkakasagip sa mga buhay na wild animals at pagkakaaresto sa may kagagawan ng krimen.

Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, Abril 8 nang masagip ng mga tauhan ng Philippine Operations Group on Ivory and Illegal Wildlife Trade o Task Force POGI ang mga buhay na exotic animals sa Mati City, Davao Oriental na aabot sa halagang P50-million at nagmula pa sa Indonesia.

Matatandaan na nasakote rin kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) ang 700 buhay na tarantula na nagkakahalaga ng P310,000 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagresulta sa pagkakaresto sa dalawa katao, kabilang ang consignee ng shipment na nagmula sa Poland.

Sinabi ni Cimatu na hindi magbabago ang paninindigan ng gobyerno upang mabigyan ng proteksiyon ang wildlife at ma­hinto ang illegal trafficking at maaresto ang nagbebenta ng wildlife species.

“The Philippines is taking illegal wildlife trade seriously,” sabi pa ng da­ting military chief. “We want to send a clear signal that the country does not tolerate illegal wildlife crime, trafficking and trade that is driving endangered species to the brink of extinction.”

Kasunod ng illegal drugs, human trafficking at arms trade, ang illegal wildlife trade ay pang-apat sa pinakikinabangang krimen sa buong mundo na kumikita ng $23 billion kada taon.

Nabatid na naging kilala rin ang Filipinas bilang consumer, source at transit point ng illegal trade ng wildlife at mga produktong nagmumula rito na nagi­ging dahilan upang manganib ang populasyon ng species at maapektuhan ang economic development at biodiversity ng bansa. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.