IDINAOS kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Rehiyon XII ang paglagda sa Marketing Agreement at Memorandum of Understanding kasama ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), National Nutrition Council (NNC), at San Miguel Foods upang plakasin ang kanilang kampanya laban sa kagutuman at kahirapan.
Ang kasunduang ito ay ipinatupad sa ilalim ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) program, isang inisyatiba ng pamahalaan na tumutugon sa mga problema sa seguridad sa pagkain, kagutuman at kahirapan sa pamamagitan ng pagtutulungan at pinagsama-samang serbisyo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Undersecretary for Support Services Rowena Niña Taduran, sa pamamagitan ng programang ito, ginagamit ng iba’t ibang ahensiya at institusyon ng pamahalaan ang mga serbsiyo ng mga agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) upang matustusan sila ng iba’t ibang produktong agrikultural at mga pagkain, na nagbibigay-daan upang magkaroon sila ng matatag at malaking merkado sa makatarungang halaga, na lumilikha ng mas malaking kita para sa kanila.
“Ang inisyatibong ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang suliranin sa kagutuman at kahirapan, na naaayon sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” na maibsan na ang kahirapan in sa 2028,” aniya.
Pinuri rin ni Taduran ang pangako ng rehiyon sa paglaban sa kagutuman at kahirapan at hinikayat ang lahat na patuloy pang suportahan ang programa upang matulungan ang lahat ng mga benepisyaryo.
Nagkaroon din ng ‘Kumustahan’ sa naturang kaganapan kung saan tinalakay ng mga kalahok ang mga mahahalagang isyu at alalahanin na may kaugnayan sa umiiral na marketing agreements upang mas epektibong maipatupad ang programa.
Ang paglagda sa MOA at MOU ay nagmarka ng mahalagang pangyayari para sa partnership bilang pagpapatuloy ng mga kolaborasyon upang labanan ang kagutuman at kahirapan. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA