KAMPANYA VS SMUGGLING, TAX EVASION PINAIGTING

SA utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., mas hinigpitan ng Bureau of Customs (BOC) angang kampanya nito laban sa smuggling.

Sa kanyang direktiba kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, nais ng Pangulo na tuluyan nang mabuwag ang sindikato sa smuggling.

Sinampahan ng smuggling case sa Department of Justice ng BOC ang mga grupong sangkot sa ganitong aktibidad matapos silang makapagtala ng pinakamataas na halaga ng mga nakumpiskang smuggled goods na umaabot sa P31.5 bilyon – kabilang ang produkto ng agrikultura at droga.

Sa Bureau of Internal Revenue (BIR), pinalakas din ni Commissioner Romeo Lumagui, Jr. ang kampanya laban sa tax evasion at kinasuhan ang mga nandaraya at hindi nagbabayad ng buwis.

Bukod dito, ipinagbigay-alam din ni Commissioner Rubio kay Presidente Marcos na ang kawanihan ay masigasig ding naghain ng criminal complaint laban sa 65 na itinuturing na smuggler para lamang sa unang quarter ng 2023 at magkakasunod na kaso para naman sa taong 2024.

Upang maiwasan ang smuggling sa BOC, inilatag ni Commissioner Rubio ang Electronic Tracking of Containerized Cargo System (E-TRACC), Risk Management System (RMS), National Custom Intelligence System (NVIS), Enhanced Intelligence and Enforcement Operations (EIEO), Automation of Importer and Customs Broker Profiles (AICBP), Implementation of Letters of Authority (LOA) at Alert Orders (AOs) – ang lahat ay para masugpo at labanan ang anumang smuggling activities sa Aduana at sa buong kapuluan.

Sa panig ng BIR, bukod sa tax evasion, mas pinalakas din ni Commissioner Lumagui ang tax collection drive sa buong bansa at ilan sa kanyang mga hakbang ay nakapaloob sa implementasyon ng Nationwide Tax Colpliance Verification Drive (TCVD), pagpapalawak ng taxpayers education programs, pagpapalakas ng taxpayers service centers, pagpapatupad ng tax amnesty programs, pagpapalakas ng kooperasyon sa ibang ahensiya at iba pa.

Inilunsad din ng BIR ang iba pang digital flatforms upang mapadali at mapabuti ang tax collections sa pamamagitan ng electronic filing and payment system at mobile taxpayer identification numbers applications.