MATIGAS ang paninindigan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na tutuluyan niyang sampahan ng tax evasion charges sa Department of Justice (DOJ) ang mga taxpayer na patuloy na lalabag sa probisyon ng National Internal Revenue Tax Code (NIRTC) sa tamang pagbabayad ng buwis.
Ang babala ay ginawa ni Commissioner Luma- gui matapos na kasuhan kamakalawa sa DOJ ang mga taxpayer na hindi nakikipag-ugnayan o tumutugon sa patakaran ng ahensiya hinggil sa kanilang mga tax problem.
“Paalala lang po sa ating mga taxpayers na huwag balewalain ang mga natatanggap ninyong tax notices galing sa BIR.
Ito ay marapat lamang ninyong sagutin, magbigay ng paliwanag at bayaran ang tamang buwis bilang tugon sa inyong karapatan o panig,” ani Lumagui.
Sinabi ng BIR chief na hindi naman nila kagustuhan na isampa pa sa korte ang mga kaso laban sa mga erring taxpayer, subalit dahil sa pagbabalewala ng mga ito na sagutin ang reklamo laban sa kanila ay napipilitan ang bureau na isampa ito sa tamang venue o korte upang mahabol ang buwis na dapat bayaran.
” Tuloy-tuloy po ang ating programang ‘Fearless and Aggressive Enforcement Activities (FAEA) laban sa mga hindi sumusunod sa ating tax laws,” paliwanag ni Lumagui.
Ayon pa sa BIR boss, ang pakikidigma niya laban sa mga erring taxpayer ay bahagi lamang ng kanyang obligasyon sa bayan bilang head ng ahensiya.
Aniya, maging sa kanyang nasasakupan ay mahigpit din niyang ipinatutupad ang pagbabawal sa mga bagay na hindi dapat ginagawa ng mga opisyal o empleyado ng BIR, gaya ng korupsiyon.
“Sa katunayan, kamakailan ay mayroon tayong mga empleyado na sinibak at naparusahan sa paggawa ng katiwalian sa loob ng ahensiya. Binabalaan ko po ang lahat na hindi ako matatakot na kasuhan sa korte ang mapatutunayan sa paggawa ng katiwalian o pang-aabuso.
Mahalin natin ang ating sarili, ang ating pamilya at ang ating bansa,” ani Lumagui.
Bilang patunay sa kanyang seryosong kampanya laban sa tax evaders, ipagpapatuloy ng BIR ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga nandaraya sa pagbabayad ng buwis, maging ang mga ito ay mula sa hanay ng mga kilalang personalidad o negosyante hanggang sa individual taxpayers upang makolekta o mahabol ang buwis na obligasyon nilang bayaran.
Halos ganito rin ang babala niya sa sinumang opisyal o kawani ng BIR na masasangkot sa anumang uri ng katiwalian.
“Ito na ang tamang panahon upang tulungan natin ang bayan na makaahon at umasenso at ito na rin ang tamang panahon upang ang lahat ay magbago, tumu- long at magmalasakit sa ating bansa,” dagdag pa niya.