PINADAPA ng National University ang Ateneo, 64-53, upang kunin ang UAAP Season 81 juniors championship kahapon sa Filoil Flying V Centre.
Winalis ng Bullpups ang best-of-three title series, 2-0, upang angkinin ang kanilang ika-4 na korona sa walong seasons.
Sinindihan ni Terrence Fortea ang 9-0 run ng NU na bumura sa one-point deficit at naitarak ang 59-51 bentahe, may 2:31 ang nalalabi.
Nagwagi ang Bullpups sa lahat ng kanilang apat na paghaharap ng Blue Eaglets sa torneo, subalit nakatuon lamang si coach Goldwin Monteverde sa pinakamalaking premyo. “Actually, hindi lang namin goal ang Ateneo lang. We were very happy for every win,” wika ni Monteverde, na ang koponan ay isang beses lang natalo ngayong season.
Matapos ang apat na taon sa liga, si Monteverde, na hinawakan din ang Adamson University ng dalawang seasons bago lumipat sa Bustillos noong 2017, ay matatawag na ngayon na UAAP high school champion.
Tumipa si Fortea, ang tanging miyembro ng 2016 champion team ng NU, ng 15 points habang kumana si Cyril Gonzales ng double-double na 10 points at 10 rebounds.
Hindi rin nagpadaig si Carl Tamayo, na naging matatag laban kay Batang Gilas teammate Kai Sotto, upang tanghaling Finals MVP.
Sa ikalawang sunod na laro sa serye, si Tamayo ay umiskor ng 13 points at humugot ng 10 rebounds.
Higit sa lahat, nalimitahan ng matinding depensa ni Tamayo si Sotto sa apat na puntos sa payoff period.
Nagwagi ang Bullpups sa kabila ng ejection ni Gerry Abadiano sa huling bahagi ng third period dahil sa ikalawang unsports-manlike foul sa laro.
Nanguna si Sotto, ang season MVP, para sa Eaglets na may 26 points, 25 rebounds at 4 blocks.
Iskor:
NU (64) – Fortea 15, Tamayo 13, Gonzales 10, Quiambao 8, Torres 8, Abadiano 8, Felicilda 2, Alarcon 0, Javillonar 0, Mailim 0, Buensalida 0, Dayrit 0.
Ateneo (53) – Sotto 26, Padrigao 8, Chiu 8, Fetalvero 6, Diaz 3, Espinosa 2, David 0, Jaymalin 0, De Ayre 0, Ladimo 0, Salandanan 0, Narciso 0.
QS: 18-15, 31-31, 46-45, 64-53.
Comments are closed.