KAMPEON ANG GINEBRA

MULING napasakamay ng Barangay Ginebra ang PBA Commissioner’s Cup title na huli nilang hinawakan noong 2018 makaraang pulbusin ang Bay Area sa do-or-die Game 7, 114-99, sa harap ng 54,589 fans kagabi sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Ito ang ika-4 na korona sa huling anim na conferences ng Gin Kings at ika-15 magmula noong 1979. Nakopo naman ni Ginebra coach Tim Cone ang kanyang ika-26 kampeonato magmula pa noong 1994, kasama ang dalawang grand slam noong 1999 at 2014, upang manatiling ‘winningest coach’ sa liga.

Nagbuhos si Justine Brownlee ng 34 points, 12 assists at 8 rebounds sa isa na namang sterling performance na ikinatuwa ng crowd. Ang korona ay ika-6 ng 34-anyos na resident import mula sa Georgia.

Nag-ambag si Jamie Malonzo ng 22 points at 17 rebounds sa kanyang ika-6 na PBA title habang gumawa si Scottie Thompson ng 18 points sa kanya namang ika-7 PBA crown.

Lamang ang Barangay Ginebra sa Bay Area, 5-3, sa kanilang head-to-head duel. Tinalo ng Kings ang guest team sa elimination at apat na beses sa best-of-seven title series.

Dinomina ng crowd favorite Ginebra ang laro mula umpisa at hindi pinaporma ang Bay Area upang biguin ang Hong Kong-based team na maging ikatlong foreign team na nagkampeon sa PBA kasunod ng Nicholas Stoodley noong 1980 at NCC noong 1985.

“They played one hell of a game in there’s no tomorrow Game 7. They courageously and gallantly fought the enemy. They’re really determine to win and they got it,” sabi ni Cone.

“I reminded the players inside the dugout to play hard and give their best shot if they want to win the title. I’m happy they responded well. I couldn’t ask for more,” dagdag pa niya.

Ginawa ni Myles Powell ang lahat para kontrolin at limitahan si Brownlee subalit bigo ang 25-anyos na NBA veteran.

Samantala, nakopo ni Christian Standhardinger Finals MVP award matapos ang kanyang stellar play sa kapana-panabik na best-of-seven series.

CLYDE MARIANO

Iskor:

Ginebra (114) – Brownlee 34, Malonzo 22, Thompson 18, J.Aguilar 14, Standhardinger 12, Tenorio 10, Pringle 3, Gray 1, Pinto 0, Mariano 0.
Bay Area (99) – Powell 29, Blankley 25, Liu 17, Lam 13, Yang 10, Zhu 5, Reid 0, Ewing 0, Ju 0, Song 0.
QS: 27-21, 61-39, 95-74, 114-99.