ISINABIT ni Finals MVP Kevin Quiambao ang net sa kanyang leeg makaraang masungkit ng La Salle ang UAAP men’s basketball title. Kuha ni RUDY ESPERAS
MULING naghari ang De La Salle Green Archers sa UAAP men’s basketball.
Ito’y makaraang pataubin ng DLSU ang University of the Philippines sa Game 3 ng Season 86 Finals, 73-69, kagabi sa Araneta Coliseum.
Nagbuhos si Season 86 MVP Kevin Quiambao, na itinanghal ding Finals MVP, ng 24 points, 8 rebounds, 4 assists, 2 blocks, at 1 steal.
Matapos maharap sa 65-60 deficit sa kalagitnaan ng fourth period ay bumanat ang La Salle ng 10-4 run upang tapusin ang laban. Hindi nakaiskor ang UP sa loob ng anim na minuto.
Ito ang unang men’s basketball title ng Taft cagers magmula noong 2016 nang hawakan sila ni head coach Aldin Ayo.
Ito ang ika-10 kampeonato sa kabuuan ng La Salle sa UAAP men’s basketball.
Patungo sa Finals, ang La Salle ay may nine-game winning streak na pinutol ng UP sa Game 1.
Samantala, nabawi ng University of Santo Tomas ang bragging rights bilang pinakamatagumpay na UAAP women’s basketball program, habang pinutol ang pitong taong dominasyon ng National University sa pamamagitan ng 71-69 panalo sa kapana-panabik na finale kahapon sa Araneta Coliseum.
Nagwagi sa best-of-three title series, 2-1, tinapos ng Tigresses ang 17-year title drought, at pinatalsik ang Lady Bulldogs sa trono sa pagpapakita ng puso at katatagan hanggang sa huli.