KAMPEON ANG LAKERS

Lakers champion

SA PANGUNGUNA ni LeBron James ay pinataob ng Los Angeles Lakers ang Miami Heat, 106-93, sa Game 6 ng kanilang best-of-seven finals series noong Linggo (Lunes ng umaga sa Manila) upang kunin ang kanilang unang NBA title sa loob ng 10 taon.

Tumapos si James na may triple-double na 28 points, 14 rebounds, at 10 assists.

Nakakuha siya ng sapat na suporta mula kay Anthony Davis at sa iba pa niyang teammates upang tapusin ang serye.

Nagdagdag si Davis, na umanib sa koponan sa pamamagitan ng trade sa New Orleans Hornets bago ang  season, ng 19 points, 15 rebounds, at 2 blocks, at pinangunahan ang depensa ng Lakers na naglimita sa Heat sa 36 points lamang sa first half.

Nag-ambag si dating All-Star guard Rajon Rondo ng 19 points, habang gumawa sina starting wings Kentavious Caldwell-Pope at Danny Green ng 17 at 11, ayon sa pagkakasunod.

Subalit ang depensa ang naging susi sa panalo ng Lakers, na lumamang ng hanggang 28 points sa half at 36 sa third period.

Sa kanyang pinakabagong titulo, nakopo ni James ang kanyang ikaapat na NBA championship at una sa Lakers. Nauna niyang nakuha ang dalawang titulo sa Miami at isa sa Cleveland bago lumipat sa  Los Angeles squad noong 2018.

Nakalikom si Bam Adebayo ng 25 points at 10 rebounds, habang umiskor sina Jimmy Butler at Jae Crowder ng tig-12 para sa Heat na ang Cinderella run sa NBA bubble ay nagwakas. Bumalik si Goran Dragic mula sa apat na larong pagkawala dahil sa foot injury, subalit hindi ito sapat para maipuwersa ng Miami ang Game 7 makaraang mahulog sa  3-1 sa serye.

Kailanman ay hindi naghabol ang Lakers sa laro kung saan binalasa ni first-year coach Frank Vogel ang kanyang tropa sa paggamit kay Alex Caruso bilang starter kapalit ni Dwight Howard at inilipat si Davis sa center. Si Caruso ay dalawang beses lamang naging starter sa season. Nag-bunga naman ang istratehiya at maagang lumayo ang Los Angeles sa laro sa pag-outscore sa Miami, 36-16, sa second quarter.

Isang 13-0 run sa period, tampok ang back-to-back 3-pointers mula kay Caldwell-Pope, ang nagpalobo sa kalamangan ng Lakers sa 30, 64-34, may 49.6 segundo ang nalalabi sa half. Naitala ng Lakers ang kalamangan sa 28 sa break, ang second-largest halftime lead sa kasaysayan ng NBA Finals.

Tumipa sina Davis at  Caldwell-Pope ng tig-15 points sa break, at nag-init si Rondo mula sa bench na may 13 sa 6-of-6 shooting. Gumawa si James ng 11 points, 9 rebounds at 6 assists sa first half.

Nalimitahan si Butler sa 8  points sa 3-of-7 shooting, habang bumuslo ang Heat ng 34.2 percent mula sa floor sa unang 24 minuto.

Comments are closed.