MAGING ang pagbabalik ni CJ Perez ay hindi nakapigil sa San Beda na muling magkampeon sa NCAA men’s basketball.
Nakumpleto ng Red Lions ang kanilang Finals domination sa Lyceum of the Philippines University, 71-56, upang masakmal ang ikatlong sunod na korona kagabi sa harap ng 13,111 fans sa Mall of Asia Arena.
Nagwagi ang San Beda sa best-of-three series, 2-0, para sa record 22nd crown.
Sinementuhan din nito ang dynasty ng Lions sa liga kung saan naghari ito sa ika-11 pagkakataon sa nakalipas na 13 seasons.
Umasa ang Pirates na makahihirit ng Game 3 sa pagbabalik ni Perez mula sa one-game suspension.
Subalit iba ang nasa isip ng Lions sa unang 20 minuto ng paglalaro kung saan kuminang si Finals MVP Javee Mocon, gayundin si point guard Robert Bolick, para gibain ang depensa ng LPU.
Ilang ulit na nakalapit sa apat na puntos ang Pirates sa second half, subalit muli itong napalobo ng San Beda sa double digits.
Selyado na ang panalo ng San Beda, lumapit si coach Topex Robinson at ang iba pa sa LPU team sa kanyang counterpart na si Boyet Fernandez, may 40 segundo ang nalalabi.
“Masaya ako at least nakuha namin ‘yung championship. At least napalitan ‘yung pagod at puyat at sakripisyo ng mga player ko sa practices for all those preparations for this season,” wika ni Fernandez, 4-of-4 sa Finals para sa Lions.
Sa kanyang huling laro para sa San Beda, kumana si Mocon ng double-double 16 points at 11 rebounds, na may kasamang 5 blocks at 2 assists, habang nagtala si Bolick ng 12 dimes.
Tumipa si Clint Doliguez ng 14 points, at nag-ambag si Cameroon’s Donald Tankoua ng 13 points at 16 rebounds para sa Lions.
Tinapos ng San Beda ang season na may 14 sunod na panalo – at 20-1 overall – ang nag-iisang talo ay sa kamay ng LPU sa first round.
Nakalikom si Perez, ang MVP noong nakaraang season, ng 19 points, 6 boards at 4 assists, gumawa si Jaycee Marcelino ng 13 points, 4 rebounds, 4 assists at 4 steals, at nagbuhos si Cameroon’s Mike Nzeusseu ng 11 points at 13 boards para sa LPU.
Iskor:
SBU (71) –Mocon 16, Doliguez 14, Tankoua 13, Kwekuteye 9, Soberano 8, Oftana 5, Bolick 4, Presbitero 2, Abuda 0, Cabanag 0.
LPU (56) – Perez 19, JC. Marcelino 13, Nzeusseu 11, Pretta 5, Ayaay 4, Caduyac 2, Serrano 2, Yong 0.
QS: 23-15, 39-33, 49-44, 71-56
Comments are closed.