ISANG maagang birthday gift ang natanggap ni Jeson Agravante nang madominahan ang men’s division ng 42nd National Milo Marathon Manila leg na nagsimula at nagtapos sa Mall of Asia grounds kahapon.
Ang Milo Marathon ang pinakamatanda at pinakaprestihiyosong foot race sa Filipinas na nagsimula noong 1974 at unang napanalunan ni golf caddy Numeriano Titong.
Naging ‘lucky charm’ ni Agravante ang running shoes na ibinigay sa kanya ng isang kaibigang doktor na mahilig ‘ding tumakbo. Noong 2016 nang huling magkampeon ang 2017 SEA Games veteran sa Iloilo City National Finals ay nanghiram lamang siya ng running shoes.
Dinomina ni Argavante ang 42 kilometers distance sa bilis na 2:35:10 upang umabante sa National Finals na gaganapin sa Disyembre sa Laoag City. Nag-uwi siya ng premyong P50,000 at handcrafted glass trophy.
Nanghinayang si Agravante at hindi niya nahigitan ang kanyang personal best na 2:33.
“Kung may kalaban ako, malamang ay nahigitan ko ang personal best ko,” sabi ni Agravante na mag-isang dumating sa finish line.
“Mayroon na akong gagastusin sa birthday ko,” patawang sinabi ni Agravante na magdiriwang ng kanyang ika-30 kaarawan sa Setyembre 2, nang tanungin ng reporter na ito kung ano ang gagawin niya sa premyo.
Walang pagsidlan ang kaligayahan ni Agravante dahil nagbunga ang lahat ng kanyang pinaghirapan.
“Pinaghandaan ko ito. Tumatakbo ako 42 kilometers at higit sa training ko para kondisyon at tumagal dahil malalakas ang mga kalaban ko at lahat beterano.
Masaya ako hindi ako nabigo,” wika ni Agravante na hindi man lamang nakitaan ng pagkapagod sa kabila ng pagtakbo ng 42 kilometers.
Hindi ininda ni Agravante ang malakas na pagbuhos ng ulan at tuloy-tuloy sa pagtakbo hanggang sumapit sa finish line sa harap ng libo-libong running enthusiasts.
“Umpisa pa lang ay bumuhos na ang malakas na ulan. Hindi ko ininda ang lamig at tuloy-tuloy ang takbo ko,” wika ni Agravante.
Nakapagpahinga na si Agravante nang dumating si Erick Paniqui, pumangalawa sa oras na 2:42:41, at nag-uwi ng P30,000 premyo. Sumunod sa kanya si Bryan Quinco na naorasan ng 2:43: 59 para sa P20,000 premyo.
Sa women’s division ay kuminang si Christine Hallasgo, 29, ng Malaybalay, Bukidnon, sa una niyang pagtakbo sa full marathon.
Naorasan si Hallasgo, asawa ng isang government employee, ng 3:05:17 para maisubi ang 50,000 premyo at tropeo. Pumangalawa si Jho-An Villarma sa oras na 3:14:28 para sa premyong P30,000 at pumangatlo si Cinderella Lorenzo sa tiyempong 3:17:46 upang maiuwi ang P20,000 premyo.
“Lagi akong nananalo sa half marathon sa lugar namin sa Mindanao. Ngayon lang ako tumakbo sa full marathon at nanalo. Medyo nanibago ako dahil hindi ko kabisado ang ruta sa Metro Manila” sabi ni Hallasgo.
Samantala, naghari si Richard Solano, double gold medallist sa nakaraang National Open Invitational Athletics at tinaguriang ‘Kenyan slayer’, sa 21k sa oras na 1:08: 46, habang inangkin ni UAAP champion Nhea-An Barcena ang korona sa women’s division sa bilis na 1:31.02.
Nagwagi naman si SEA Games gold medallist Mervin Guarte sa 10k sa oras na 34 minutes at 04 seconds at sinungkit ni Meagey Ninuna ang karangalan sa women’s division sa oras na 40 minutes at 24 seconds.
May kabuuang 27,800 runners ang lumahok sa National Milo Marathon Manila leg.
Ang mananalo sa grand finals sa men’s at women’s division sa Disyembre ay tatanggap ng P150,000; runner-up, P100,000; at third place, P70,000, at kakatawanin ang Filipinas sa 2019 SEA Games na gaganapin sa Manila. CLYDE MARIANO
Comments are closed.