KAMPO NI LENI HINAMON NG BBM CAMP: MAGPAKITA NG FOOTAGE NG OUTING

ATTY VIC-LENI

HINAMON  ng kampo ni da­ting Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kampo ni Vice President Leni Robredo na magpakita ng footage  kaugnay sa kinukuwestiyon nilang outing ng head revisor (HR) ng Presidential Electoral Tribunal (PET) at mga revisor ni Robredo sa Pansol, Laguna noong nakaraang buwan.

Ang hamon ay ginawa ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsa­lita ni Marcos, kaugnay ng Counter-Manifestation na inihain ng kampo ni Robredo sa naturang Pansol Outing.

“We challenge Mrs. Leni Robredo to go ahead and produce such footage provided it is authentic and not another product of her many lies,” ani Rodriguez.

Nauna rito, sa 12-pahinang Manifestation of Grave Concern with Urgent Motion to Investigate ay hiniling ng kampo ni Marcos sa Korte Suprema na maimbestigahan ang sama-samang pag-a-outing ng mga revisor ng PET at ni Robredo sa Pansol dahil maaari anila itong maglagay sa kompromiso sa isinasagawang manual recount at revision of ballots sa vice presidential race.

Naghain naman ang kampo ni Robredo ng counter-manifestation sa Korte Suprema at hiniling na payagan silang makapagpakita ng CCTV footage na magpapatunay na alam ng kampo ni Marcos ang naturang outing.

Anila pa, isang revisor pa nga ni Marcos, na tinukoy na si Roderick Miranda, ang nagpadala ng pagkain para sa naturang outing, na maaaring patunayan sa pamamagitan ng CCTV footage ng SC building.

Ayon naman sa kampo ni Marcos, ang swimming party ay ginanap sa Pansol at hindi sa 4th floor ng PET building kung saan nakalagay ang CCTV footage na sinasabi ng kampo ni Robredo.

“The swimming party was held in Pansol, Laguna and not at the 4th floor of the PET building where the CCTV footage they have requested are placed,” ani Rodriguez.

Iginiit pa ni Rodriguez na nagpakita na sila ng mga larawan kung paano kinu-corrupt ni Robredo ang mga revisor ng PET at hindi aniya magsisinungaling ang mga naturang larawan.

“We have shown pictures of how she has corrupted PET HR’s and pictures don’t lie. To date, all she has are alibis and more lies. Huling-huli na nagpapalusot pa,” pasaring pa ni Rodriguez.

Natuklasan ng kampo ng dating senador ang naturang outing sa Pansol nang i-post ng isang Maria Katrina Rosales sa kaniyang Facebook account  ang mga litrato hinggil dito.

Nag-viral ito ng ilang oras bago tuluyang nai-delete mula sa naturang social networking site. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.