SOUTH COTABATO – WALA ng buhay nang matagpuan ang dating barangay chairman na tatakbo bilang vice mayor para sa 2025 midterm elections matapos pagbabarilin sa Tantangan sa lalawigang ito.
Sa paunang report ng pulisya, ang biktima ay kinilalang si dating Barangay Bukay Pait Chairman Jose Osorio na natagpuang patay sa loob ng kusina ng karinderya nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa pulisya, nakarinig ng putok ng baril ang mga kapitbahay nito habang natutulog sa kanilang bahay sa likod ng eatery ang asawa nito nang mga oras na iyon.
Narekober ng mga awtoridad ang anim na empty shells ng hindi pa matukoy na armas sa crime scene.
Tinitingnang posibleng motibo sa pagpatay ay personal na galit.
“Ang initial na nakikita naming motibo ay personal. However, hindi naman natin binalewala ang ibang anggulo pa. For further investigation pa naman ito,” ayon kay Tantangan Municipal Police Station Chief, Major Erica Vallejo.
EVELYN GARCIA