KANDIDATO NA MANGANGAMPANYA SA SEMANA SANTA MAKUKULONG NG 6 TAON

IPINAALALA ng Commission on Elections (COMELEC) ang campaign ban ngayong araw, Abril 14 hanggang bukas, Abril 15. Nilinaw ni Comelec Commissioner George Garcia, ang campaign ban ay isang election offense case na ang pinagbabatayan ang Sections 263 at 264 ng Omnibus Election Code. Nakapaloob din sa Section 5 ng Republic Act 7166 ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Comelec na hindi kasali ang Huwebes Santo at Biyernes Santo o Abril 14 at 15 sa campaign period. Alinsunod sa batas, ang sinumang mga kandidato na mapatutunayang guilty sa election offense ay maaring makulong ng isa hanggang anim na taon at pagbabawalan na tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno at matatanggalan pa ng karapatang bumoto.