INIIMBESTIGAHAN sa himpilan ng Abra PPO ang isang kandidato ng pagka-mayor ukol sa napabalitang insidente ng komosyon sa Patucannay Elementary School sa Bangued.
Sinabi ni Bangued election officer Atty. John Paul Martin, unang nagtungo ang isang mayoralty candidate sa isang polling center sa Zone 3 kung saan pinagsasampal nito ang isang barangay official na nagsisilbi sa voter’s assistance desk doon.
Sunod aniya na pumunta sa Patucannay Elementary School ang nasabing kandidato kung saan pinaniniwalaang nakita nito ang isang barangay official na nakatambay na nagresulta para pagsasampalin din niya ito.
Napag-alaman sa mga nakakita sa insidente na isa sa mga nasampal ay isang kapitan na tumatakbo sa pagka-konsehal ng nasabing bayan.
Maaalalang may memorandum si Martin na nagbabawal sa mga barangay official na mamalagi o tumambay sa mga polling center maliban lamang sa pagboto ng mga ito.
Aniya, nag-request na rin ang mga botante sa Bangued ng karagdagang puwersa ng mga awtoridad kaya nagpa-deploy siya ng walong sundalo sa nasabing elementary school.
Dagdag pa niya, na dahil sa komosyon ay naalarma ang electoral board ngunit wala namang nag-backout sa mga ito.
Personal na nagtungo roon si. Martin para kalmahin ang mga botante at ipasiguro ang kaligtasan ng mga ito. AIMEE ANOC
Comments are closed.