KANDIDATO SA BRGY TIMBOG SA P1-M SHABU

Maguindanao del Norte – NASAKOTE ang dalawa katao kabilang na ang isang kagawad ng Barangay kasabay ng pagkakasamsam ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Kalawag, Datu Odin Sinsuat sa lalawigang ito.

Ayon kay Brig.Gen. Jimili Macaraeg, Police Director ng Soccsksargen Region na nasamsam ng mga operatiba ang P1,020,000 halaga ng shabu mula kay Zacaria Buisan, 38-anyos, village councilor ng Barangay Poblacion, bayan ng Talitay; at Guiamaludin Sailudin, 45-anyos ng Barangay Poblacion, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

“Buisan is seeking reelection in the upcoming Barangay and Sangguniang Kabataan Elections,” ani Macaraeg.

Nabatid na nagkasundo ang dalawa na magbenta ng shabu sa isang undercover police agent sa kahabaan ng diversion road ng Barangay Kalawag dakong alas-4 ng hapon.

Matapos ang transaksyon ay agad na magbigay ng senyales ang nagpanggap na buyer at agad na inaresto ang dalawang suspek

Ang dalawang suspek ay kapwa tinaguring mga high-value target kung saan nakuha sa kanila ang mga mobile phone, 150 gramo ng shabu at isang Toyota Hi-Ace van vehicle.

Pinuri naman ni Macaraeg ang mga operating unit para sa kanilang matagumpay na operasyon.

“Uubusin ng puwersa ng pulisya ng PRO 12 ang lahat ng paraan upang matiyak na ang rehiyon ng SOCCSKSARGEN ay hindi kailanman magiging ligtas na kanlungan ng mga nagbebenta ng droga,” sabi ni Macaraeg. EVELYN GARCIA