HINDI ipoproklama at hindi papayagan ng Commission on Elections (Comelec) na makaupo sa puwesto ang mga mananalong kandidato o political party sa midterm elections na mabibigong magsumite ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE).
Nakasaad sa Resolution No. 10505, na inisyu ng Comelec na walang sinumang elected candidate ang hahayaang makapanungkulan hangga’t hindi siya nakakapaghain ng kanyang SOCE.
“The office of an elected candidate who failed to file SOCE shall be considered vacant pursuant to Sec. 11 of the Omnibus Election Code until he has complied and submitted his SOCE within six months from proclamation,” bahagi pa ng resolusyon.
Nilinaw naman ng Comelec na nanalo man o natalo ang kandidato ay obligado itong magsumite ng SOCE hanggang sa Hunyo 12 o 30-araw pagkatapos ng eleksiyon sa Mayo 13.
“Except for elected candidate and party-list groups, the deadline is final and non-extendible,”ayon pa sa Comelec.
Binalaan din ng Comelec ang mga nanalong kandidato na mahuhuli sa paghahain ng SOCE sa loob ng anim na buwan, na papatawan ng kaukulang multa. ANA ROSARIO HERNANDEZ