CASTILLEJOS, Zambales- Isang petisyon na humihiling na idiskwalipika ang kandidatura ni Kongresman Jeffrey Khonghun (1st Dist., Zambales) ang inihain sa Commission on Elections kamakailan.
Si Kongresman Khonghun na nasa ikatlo at huling mga buwan na ng kanyang termino ay naghain ng kandidatura sa pagkameyor ng Castillejos, Zambales.
Sa petisyon na inihain nina Gilbert Viloria at asawa ng incumbent Castillejos mayor na si Eleanor Dominguez na ngayon naman ay hahalili bilang bilang Mayor na si Jose Dominguez noong Marso 23, 2022 sa Law Department of the Commission, sinabi na dapat umanong idiskwalipika ang kandidatura ni Khonghun dahil hindi nito natugunan ang kinakailangang isang taon bilang residente ng bayan.
Binanggit din sa petisyon na si Khonghun ay naging mayor ng Subic sa loob ng tatlong termino, at nasa ikatlong termino na rin bilang kongresman ng unang distrito ng Zambales, at ang ginagamit na address ay sa bahay nito sa Aningway-Sacatihan sa Subic, Zambales.
Dito rin umano ginaganap ang mga pulong nito sa mga tagasuporta sa kanyang kandidatura.
Bagaman idineklara umano ni Khonghun na residente siya ng Purok 5B, San Pablo, Castillejos, Zambales, wala pa umanong nitatayong bahay ito roon, maliban sa ginawagawa palamang na istruktura.
Isinasaad sa Section 39 ng Republic Act 7160, na kilala bilang Local Government Code of the Philippines, na upang maging kwalipikado bilang kandidato sa posisyon dapat ang kandidato ay rehistradong botante at residente ng kanyang bayan na nais paglingkuran nang hindi bababa sa isang taon.
Binanggit din nina Viloria at Dominguez ang naging basehan ng pagpapasya ng Korte Suprema sa katulad na kaso kung saan sinabi ng Korte na ang pagbili lamang ng lupa ay hindi maituturing na residensya. Upang maging ganap na residente, ang tao ay dapat mayroong maituturing tinitirahan.
“Ang katotohanan na ang istrukturang bahay ay ginagawa pa lamang, ibig sabihin hindi pa niya nagagawa ganap ang pagiging residente ng barangay,” sabi pa ng Korte.
Sa kaso ni Khonghun, totoo umano na nagmamay-ari ito ng lupain sa Barangay San Pablo, Castillejos, ngunit ayon sa Castillejos Municipal Engineer’s Office na nag-aplay lamang si Khonghun ng building permit, ngunit ang aplikasyon ay hindi pa kumpleto, samantalang ang istruktura ay hindi pa rin kumpleto at walang linya ng tubig at ilaw.
Dahil sa mga nabanggit na kalagayan, hindi pa umano maituturing na residente ng Castillejos si Khonghun.
Sa kasalukuyan, ang anak ni Kongresman Khonghun na si dating Subic mayor at Zambales vice governor Jay Khonghun ay tumatakbo bilang congressman sa 1st District ng Zambales; samantalang ang anak nitong si Jon Khonghun ay tatangkain ang re-election bilang mayor ng Subic. Samantalang ang anak nitong babae na si Jack Khonghun ay tumatakbong vice governor ng Zambales.