Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
5:30 p.m. – Creamline vs PetroGazz (Finals)
LUMITAW ang tunay na Creamline team noong Martes ng gabi, nagbigay ng mensahe sa PetroGazz na hindi nito basta isusuko ang korona.
Determinadong makabawi mula sa nakadidismayang laro sa series opener, dinala ni decorated setter Jia de Guzman ang Cool Smashers aa 18-25, 25-16, 25-18, 23-25, 15-6 panalo kontra Angels sa Game 2, upang ipuwersa ang kapana-panabik na Premier Volleyball League All-Filipino Conference title series sa decider.
“Everything that we showed today, ‘yun ‘yung mga sobrang nagla-lack kami ng Game 1 so ‘yun ‘yung communication, ‘yung support, and ‘yung execution was the biggest factor also for me today,” sabi ni De Guzman.
“Kasi ang dami naming ginagawa sa training na hindi namin napu-pull off sa laro and it showed today pero alam namin na may ikakaganda pa yung execution namin and communication namin for Game 3,” dagdag pa niya.
Balik sa porma sina Michele Gumabao, Tots Carlos, Jema Galanza at Ced Domingo, sa pagtala ng pinagsamang 72 points sa series-tying victory.
Nakatakda ang winner-take-all duel ngayong alas-5:30 ng hapon sa harap ng inaasahang malaking crowd sa Mall of Asia Arena.
Target ng Creamline ang record sixth PVL championship, habang ang PetroGazz ay nagtatangka sa ikatlong titulo — at ang kauna-unahan sa All-Filipino.
Isinantabi ang masamang Game 2 finish, nangako si coach Oliver Almadro na babawi ang Angels sa rubber match.
“We’ll forget about this and we’ll bounce back in Game 3,” nakangiting pahayag ni Almadro.
Sa katunayan, ang Game 3 history ng Cool Smashers ay hindi pumapanig sa kanila.
Natalo ang Creamline sa Finals decider sa PetroGazz sa 2019 Reinforced Conference, at yumuko sa Chery Tiggo sa 2021 Open Conference do-or-die duel sa Bacarra, Ilocos Norte bubble.
Bagama’t lumipat ang momentum sa Cool Smashers, batid ni De Guzman na ang Angels ang magiging aggressor.
“Well, we want to think that it’s on our side but bilog ang bola. PetroGazz is not a team na pwede kang magpabaya and nakita naman yun kanina. We were like points away from winning the game pero kumapit sila so ganoon din yung ine-expect namin for Game 3,” ani De Guzman.
Ang best individual performers ng liga ay pormal na pangangalanan matapos ang laro.