Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
1 p.m. – EST Cola vs Kurashiki (Invitational)
4 p.m. – PLDT vs Cignal (3rd Place)
6 p.m. – Akari vs Creamline (Final)
SA WAKAS ay magkakaalaman na kung sino sa Creamline at Akari ang mag-uuwi ng Premier Volleyball League Reinforced Conference crown.
Ang Final sa pagitan ng top-ranked Chargers at No. 3 Cool Smashers ay nakatakda sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena.
Tutuldukan nito ang isa sa most challenging stretch sa pro league matapos ang 2021 Bacarra bubble.
Una ay ang power outage na nagpaantala sa semifinals. Pagkatapos ay ang controversial semis duel sa pagitan ng Akari af PLDT at ang bagyo na nag-urong sa title match.
Matapos ang multiple delays, man-made man o dulot ng kalikasan, malaki ang nakataya para sa dalawang koponan, ang bawat isa ay uukit ng kasaysayan.
Umaasa ang Chargers na sementuhan ang kanilang pinakamatagumpay na kampanya magmula nang lumahok sa liga noong 2022 sa pagwawagi ng kanilang kauna-unahang titulo sa ilalim ni Japanese coach Taka Minowa at makumpleto ang 11-match unbeaten streak sa torneo na tinatampukan ng top-tier international reinforcements.
Hahadlang sa Akari ang Creamline, na target ang record ninth PVL crown at unang Reinforced Conference championship sa loob ng anim na taon.
Para sa decorated Cool Smashers, isa na naman itong pagkakataon upang patunayan na nananatili sila sa rurok ng women’s volleyball sa bansa, ang ultimate benchmark, kahit wala ang tatlo sa kanilang star players na naging instrumento sa kanilang dynasty.
Ang tanging pagkakataon na nanalo ang Creamline sa isang import-laced tournament ay sa kanilang kauna-unahang PVL title sa 2018 Reinforced Conference sa likod nina Thai Kuttika Kaewpin at American Laura Schaudt. Sina Alyssa Valdez, Michele Gumabao at Risa Sato ay bahagi rin ng champion team ng Cool Smashers.
Maghaharap ang Cignal at PLDT para sa bronze medal sa alas-4 ng hapon matapos simulan ng Japan’s Kurashiki Ablaze at Thailand’s EST Cola ang Invitational Conference sa ala-1 ng hapon.
Ang Ablaze, ang Japanese third-tier club team, ang defending champions makaraang gapiin ang Cool Smashers sa Final noong nakaraang taon, habang ang Thais ay binubuo ng pinaghalong U18 at U20 standouts.