(Kanino ka ba naglilingkod?) VELASCO KINASTIGO

velasco

UMANI ng batikos mula iba’t ibang anti-communist groups at civil society organizations si House Speaker Lord Allan Velasco dahil sa umano’y pagpanig nito sa mga kalaban ng administrasyong Duterte.

Inamin ni Hands Off Our Children Founder Gemma Labsan na diskumpiyado sila kay Velasco na nakitaan umano nila ng pagiging bias sa isyu ng Makabayan Bloc.

“Kung neutral si Velasco dapat parehong side ang pakinggan niya, ‘yun ang neutrality. Hindi natin maalis na maging diskumpiyado kasi nakikita natin sino ang mga against. Dapat ang pakinggan ng Kamara ay ‘yung nakararami,” giit ni Labsan.

Aniya, patuloy nilang kakalampagin si Velasco para aksiyunan ang kanilang kahilingan.

“Ipupursige namin na magkaroon ng hearing ang House of Representatives ukol sa Makabayan Bloc, no matter what. After ng Senate, ang Kamara talaga ang siyang may jurisdiction sa isyu na ito,”  giit ni Labsan kung saan ibat ibang pagkilos ang kanilang isasagawa kasama ang League of Parents of the Philippines (LPP), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Hands Off Our Children (HOC) at grupong Yakap ng mga Magulang  at iba pang mga Non Government Organization(NGO).

Nanindigan si Labsan na isang House Inquiry ang kailangan para tuluyan nang mapatunayan ang kanilang alegasyon laban sa Makabayan Bloc.

Naniniwala ang grupo na hangga’t nasa Kamara ang Makabayan Bloc ay magagamit nila itong platform para sa kanilang recruitment kaya malaki ang nakaatang na responsibilidad kay Velasco na wakasan ito.

Patuloy namang itinatanggi ng Makabayan Bloc ang alegasyon ng militar na konektado sila sa CPP-NPA subalit para kay Defense Secretary Delfin Lorenzana lalong tumibay ang ebidensya nila laban sa mga progressive solon nang mapatay sa naging engkuwetro ng militar at rebelde ang bunsong anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Culliamat na si Jevilyn. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.