KANLAON HINDI PA HUMUHUPA

NANANATILING maligalig ang Bul­kang Kanlaon na nasa Negros Islands.

Nitong katatapos na linggo ay tila kumatok para itaas sa alert le­vel 4 ang bulkan bunsod ng mataas na aktibidad.

Kabilang sa tinutukan ng Phivolcs ang pagbuga ng lahar ng bulkan habang nananatili ang takot sa pyroclastic density currents.

Nagpalabas ng abiso ang PHIVOLCS kaugnay ng naitalang pagtaas ng ground deformation o pamamaga ng lupa sa Bulkang Kanlaon simula Enero 10, 2025.

Ayon sa Kanlaon Volcano Network (KVN), nakapagtala ang Upper Pantao Observation Station ng biglaang pagtaas sa inflationary tilt bandang 7:20 ng gabi, na nagpapahiwatig ng pagtaas ng pressure sa loob ng bulkan na maa­aring magresulta sa pagsabog na kahalintulad sa nangyari noong Disyembre 9, 2024.

Base sa obserbasyon gamit ang Electronic Distance Meter (EDM), napansin ang inflation sa southeastern flank ng bulkan mula pa noong huling linggo ng Disyembre 2024, at deflation sa western flank noong unang linggo ng Enero 2025.

Pinapayuhan ang mga nasa paligid ng bulkan na maging alerto sa posibilidad ng mga biglaang pagsabog, pagbagsak ng bato, at pag-agos ng lava.

Patuloy naman ang mahigpit na pagmamanman ng PHIVOLCS sa bulkan  at inaabisuhan ang publiko na manatiling nakikinig sa mga opisyal na ulat upang makaiwas sa panganib.