PAMPANGA – REHAS na bakal ang binagsakan ng 57-anyos na American national makaraang makumpiskahan ng P34.5K halaga ng shabu sa inilatag na buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA sa bahagi ng Sunlight Lodge, Brgy. Balibago, Angeles City sa lalawigang ito kahapon ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang suspek na si James Baginski y John ng Kandi Tower, Brgy. Malabanias, Angeles City, Pampanga.
Ayon sa ulat ng PDEA, si Baginski ay tubong Hawaii, USA at nanirahan sa bansa simula pa noong 2019.
Nabatid sa team leader ng PDEA na isinailalim sa masusing surveillance si Baginski matapos makatanggap ng impormasyon noong June 2022 ang PDEA na nagbebenta ito ng shabu sa nasabing lungsod.
Tagumpay naman ang isinagawang buy-bust operation kung saan nakumpiskahan ang suspek ng 5 gramo na shabu na ibinenta sa isang poseur buyer na PDEA agent.
Nasamsam din sa suspek ang 2 plastic sachets na sinasabing cocaine, driver’s license, cellular phone at ang buy-bust marked money. MHAR BASCO