HINDI nakalusot sa Bureau of Immigration (BI) frontliners ang isang American sex offender sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunsod sa paglabag sa alituntunin ng Philippine Immigration Laws.
Kinilala ang suspek na si Richard Vincent Boyd Rogers, 55-anyos na na-intercept ng immigration officers pagbaba ng paliparan lulan ng United Airlines flight galing sa Guam.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sa ilalim ng section 29 (a) ng Philippine Immigration Act of 1940, ipinagbabawal ang mga dayuhan na sangkot o na-involved sa kasong moral turpitude.
Ani Morente, ang isang sex offender ay hindi welcome sa Pilipinas, sapagkat isa itong banta sa seguridad ng mga kababaihan partikular na sa hanay ng mga menor de edad.
Si Rogers ay agad na pinasakay pabalik sa Guam kasabay sa paglalagay ng kanyang pangalan sa listahan ng mga blacklisted na dayuhan upang hindi na muli makabalik sa Pilipinas. FROILAN MORALLOS