ANG pagkansela ng International Olympic Committee (IOC) sa Tokyo Olympics ay nakabuti sa mga Pinoy boxer dahil magkakaroon sila ng sapat na panahon na paghandaan ang mga qualifying tournament na kanilang sasalihan sa hangad na makasama sina early qualifiers Felix Eumir Marcial at Irish Nagano.
Ang 2020 Summer Olympics na nakatakda sanang ganapin sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9 ay ipinagpaliban sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8, 2021.
“The cancellation of the quadrennial meet is a blessing in disguise because our boxers have ample time to prepare. The coaching staff with the help of Australian boxing consultant Donald Admintt have enough time to hone and sharpen the skills of the boxers,” sabi ni ABAP secretary general Ed Picson.
Kinansela ng IOC ang Olympic Games ngayong taon dahil maraming bansa ang umatras dahil sa COVID-19 pandemic.
Bilang positive thinker at may tiwala sa kakayahan ng mga boxer, umaasa si Picson na makakalusot sa matinding pag-subok ang kanilang aspirants at makasama sina Marcial at Magno na kapwa taga-Mindanao sa Olympic proper kung saan target nila ang pinakaaasam-asam na ginto na nakahulagpos sa mga kamay nina Anthony Villanueva noong 1964 sa Tokyo at Mansueto Velasco noong 1996 sa Atlanta, USA.
“Sana ito na ang panahon na masungkit natin ang ginto sa Tokyo at maging unang National Sport Association na nanalo ng ginto sa Olympic Games. Ipagdasal natin ang kanilang tagumpay,” wika ni Picson.
Kabilang sa mga aspirant sina Ian Clark Bautista, James Palicte, Nesty Petecio at Riza Pasuit.
Ang boxing ay kasama sa mahigit 10 combat sports na lalaruin sa Tokyo Olympics. CLYDE MARIANO
Comments are closed.