IPINAG-UTOS ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan at papanagutin ang nasa likod ng fake memo na nagsasabing kanselado ang Service Recognition Incentives para sa mga kuwalipikadong miyembro ng PNP.
Una nang itinanggi ng PNP na nagpalabas sila ng memorandum kaugnay sa “cancellation” ng Service Recognition Incentive (SRI) para sa kanilang mga tauhan na mabilis na kumalat sa social media.
“Absolutely fake news. Appropriate charges will be filed against individuals found culpable for this deliberate attempt to mislead and sow confusion within our ranks and the general public,” giit ng PNP.
“The circulating document is absolutely fake news and should not be considered legitimate or credible,” ayon sa PNP kaugnay sa sinasabing memo na nagtataglay ng letterhead ng ahensya .
Tiniyak ng pambansang pulisya sa kanilang mga tauhan na kasalukuyan ng pinoproseso ang SRI para sa Fiscal Year (FY) 2024.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pagkakaloob ng SRI sa mga qualified government personnel kabilang ang mga guro, military at uniformed personnel, kung saan makakatanggap umano ng P20,000 ang bawat isa.
VERLIN RUIZ