KANSER, TB PANGUNAHING SAKIT NG MGA PRESO

INAMIN ni Justice Secretary Crispin Remulla na tuberculosis at kanser ang pangunahing sakit na tumatama sa mga person deprived of liberty (PDLs) sa New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang naging pahayag ni Remulla sa ika-70 anibersaryo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung saan siya ay panauhing pandangal na isinagawa sa Camp Crame.

Anang kalihim, ang kalunos-lunos na health condition ng mga preso ay dulot na rin ng sobrang dami nila na kung saan ay problema rin ang malnutrition.

Napatunayan na ang sanhi ng kamatayan ng da­ting mga namatay sa presyo ay tuberculosis, kanser at iba dahil na rin sa kakulangan ng pagkain.

“Malnutrition is now the common condition in our jail system. Hindi lang po ‘yan. ‘Nung meron pong 187 na cadavers na natagpuan sa Eastern Funeral Homes, ito po ay pinasuri sa PGH sa school of forensic pathology, kay Dr. Raquel Fortun at ano ang nakita natin. Ang mga bilanggo natin ay puro tuberculosis. Kung hindi po tuberculosis may cancer at napakarami hong sakit na naroon dahil sila ay hindi nakakain ng maayos sa kanilang kinalalagyan,” ayon kay Remulla.

Isinisi naman ni Remulla na dahil sa dumaraming populasyon ng preso kung bakit nakokompromiso ang kanilang kalusugan lalo na’t maituturing na ang NBP ay isa sa pinakamalaking kulungan sa buong mundo.

Kaya ang solusyon ni Remulla, dapat may mag-shift na ang mga kulungan sa regional system na papabor sa kaanak ng mga preso na dumadalaw.

“ We have found it wiser to shift our template to a regional prison system for reformation of the persons convicted of crime and the PDL can take place closer to their families where they can be visited by their kin,” ani Remulla.
EUNICE CELARIO