KAPABAYAAN NG TAO ISINISI NI CARDINAL TAGLE SA MALA-ONDOY NA PAG-ULAN

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

MAISISISI  umano sa kapabayaan ng mga tao sa kalikasan ang matinding pinsala na dulot ng mga kalamidad sa bansa at sa mga mamamayan.

Ang pahayag ay ginawa ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, pangulo ng Caritas Internationalis, kasunod na rin ng mala-Ondoy na pag-ulan at pagbaha na naranasan sa Metro Manila at karatig lalawigan, nitong weekend, dahil sa habagat.

Ayon kay Tagle, ang naranasang matinding pagbaha ay paalala ng kawalang-paggalang ng tao sa kapwa at kalikasan.

Iginiit pa niya na ang pagkasira ng kalikasan ay nag­reresulta rin ng pagkasira ng buhay ng kapwa.

Kaugnay nito, umapela naman si Tagle sa mga mamamayan na tulungan ang mga nabiktima ng mga pagbaha sa bansa.

Ipinaalala pa niya na bahagi ng pagsunod kay He­suKristo ang pagtulong sa kapwa at pangangalaga sa kalikasan.

“Isa rin pong paalaala sa ating lahat, lalo na po dito sa atin sa Archdiocese of Manila na naghahanda po tayo ng pagdiriwang ng “Season of Creation” at ang atin po “Laudato Si” conference of spirituality. Paalaala po na bahagi ng ating pagsunod kay HesuKristo bukod sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, pagdalo sa panalangin at Sakramento, ang pagtulong sa kapwa ay ang pangangalaga, wastong pamamahala ng kalikasan. Sapagkat ang pagkasira ng kalikasan umuuwi rin sa pagkasira ng ating buhay,” paliwanag pa ng Cardinal, sa panayam ng church-run  Radio Veritas.

Binigyang-diin niya na ang kulturang tapon nang tapon o kawalan ng pasintabi at kawalang paggalang sa kalikasan ay siya ring nagdudulot ng pinsala sa mamamayan.

Inihalimbawa pa niya ang tone-toneladang basura na itinapon ng tao at ibinalik rin ng Manila Bay sa kanila.

“Kaya po ngayon kita natin, dumaan lang po ako sa Roxas Boulevard, ang tone-toneladang basura na ibinalik ng dagat dito sa lupa. Kaya ‘yung sinasabi ni Pope Francis na kaisipan at kulturang tapon nang tapon at ang pinagtatapunan parang patapon na rin, wala tayong pasintabi, wala na tayong paggalang. Ito minsan tayo rin ang unang napi­pinsala ng kapinsalaan dulot din sa ating common home, sa ating iisang planeta, sa ating iisang tirahan,” aniya pa.

Umaapela rin ang Cardinal sa taumbayan na huwag nang makadagdag sa pagkasira ng kalikasan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.