KAPAG HITIK ANG BUNGA

MASAlamin

DALAWANG buwan pa lamang ang nakalilipas pero ang bagong Kamara de Represen­tante sa ilalim ng pamununo ni Speaker Alan Peter Cayetano ay nagbunga na ng mara­ming panukalang batas. Mahigit 5,000 bills ang nai-file sa maikling panahong ito. Ang mga repormang nabanggit ng Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, tulad ng iba’t ibang tax reform at economic reform bills, ay mabilis na naaksiyunan  sa Kamara.

Pero ang pinakamalaking nagawa ng Kamara sa unang dalawang buwan nito ay ang pagpasa  ng pambansang badyet para sa 2020. Noong Sept. 20, naipasa sa  third and final reading ang  House Bill No. 4228 o ang 2020 General Appropriations Bill (GAB),  ilang minuto matapos na naipasa rin sa plenaryo on second reading ang parehong bill. Maaari ito ay dahil nasertipikahan ng Pangulo na priority at urgent ang GAB. Paano ito nagawa ng Kamara sa maikling panahon? Aba’y inudyok ni Speaker Cayetano ang mga kapwa niya kongresista na magtrabaho sa session sa loob ng sunod-sunod na siyam na araw, kung saan minsan ay tumatagal ang pagdinig sa badyet ng 10 oras. Dahil dito ay naipasa ang GAB in record time kahit na napakahaba ang naging debate patungkol dito.

Bukod pa riyan, masipag na rin sa pag-attend ng session ang mga kongresista. Laging may quorum kaya madaling napagdedebatehan at nai­papasa ang mga mahahalagang batas.

Maganda ang record ng Kamara pagdating sa pagtatrabaho. Naipakita ni Speaker Cayetano na kaya niyang pamunuan ang isang Kamara na masipag at mapagkakatiwalaan at responsable.

Ang kaso nga lang, imbes na purihin ang Kamara, umani pa ito ng mga maling alegasyon mula kina Senator  Panfilo Lacson at Senate Minority Leader Franklin Drilon. Kaduda-duda ang pagpasa ng badyet. May sinabi si Lacson tungkol sa bilyones daw na ‘pork barrel’ para sa mga kongresista, pero binawi rin niya. Si Drilon naman ay nagpahayag na babantayan daw nila ni Lacson ang badyet dahil ang pagbuo ng Small Committee ng Kamara para talakayin ang mga pagbabago sa badyet  matapos na maipasa ito ay maanomalya raw.

Pero ang pagbuo pala ng Small Committee ay matagal ng ginagawa sa Kongreso, noong 8th Congress pa sa panahon ni Senate President Jovito Salonga. Sa dami ng miyembro sa Kamara ay kailangan talaga ang komiteng ito para ma­ging maayos ang pagtalakay sa napakaraming amendments.

Kaya ngayon, parehong palpak ang naging mga pasabog nina Drilon at Lacson. Sabi tuloy ng ilan, ang Kamara ay parang punong hitik sa bunga kaya laging binabato.

Ilang beses nang tiniyak ni Speaker Ca­yetano na walang ‘pork’ sa badyet pero pinipilit pa rin na mayroon kahit walang pruweba. Sabi nga ng Speaker, “kung may makita kayong pork sa badyet, ituro n’yo at tatanggalin natin. Ganu’n lang kasimple.”

Bukas naman ang lahat ng dokumento patungkol sa budget kaya madaling makita kung may kahina-hinala rito. Sabi nga ni Cayetano, sa panahon ngayon ng social media at Internet kung saan lahat ay naka-upload at post online, mayroon pa bang maitatago?

Ang lumalabas tuloy niyan ay nagiging mga ‘obstructionist’ o hadlang na sina Lacson at Drilon sa mga reporma ng Pangulo.

Comments are closed.