(Kapag inamyendahan ang Rice Tariffication Law) PRESYO NG BIGAS BABABA

POSIBLENG bumaba ang presyo ng bigas kapag inamyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL), ayon sa Department of Agriculture.

Sinabi ni Agriculture Assistant Sec. Arnel De Mesa na inaasahan nila ang pagbaba ng presyo ng bigas sa sandaling maamyendahan ang RTL dahil mababawi ng National Food Authority (NFA) ang price stabilization function nito.

“Kung magkakaroon ng pagkakataon ang  NFA to do price stabilization, there will be a significant reduction [in rice prices], of course. Kung magkakaroon ng pagbabago sa batas,” wika ni De Mesa.

“Kaya niya mag-cause ng pagbaba sa presyo,” dagdag pa niya.

Ang pag-amyenda sa  Rice Tarrification Law ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.

Sa ilalim ng panukala, ibabalik sa NFA ang mandato nito sa price stabilization at supply regulation ng bigas.

Mababawi rin ng ahensiya ang regulatory functions nito tulad ng pagbisita sa mga bodega.

Umaasa ang DA na ipapasa na rin ng Senado ang bersiyon nito ng bill.