NAGBABALA si Senador Grace Poe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board -Technical Working Group (LTFRB-TWG) na kung itutuloy ang pag-aresto sa mga miyembro ng Motorcycle Taxis na papasada sa susunod na linggo ay hihikayatin nito ang pribadong sektor na magsampa ng kaso laban sa naturang ahensiya.
Ang LTFRB-TWG na pinamumunuan ni Retired Major General Antonio Gardiola ang siyang nag-aaral sa legalidad at kaligtasan ng mga pasahero na sumasakay ng Motorcycle Taxis upang ma-regulate ito at maging legal sa lansangan.
Ayon kay Poe, hindi tama ang ginawa ni Gardiola sa pagpapalabas ng isang resolusyon ng pagpapatigil ng pag-aaral ng walang konsultasyon sa mga stakeholders at lumalabas na tinatakasan ang kanilang mandato.
Iginiit ni Poe na hindi makakagawa ng batas ang kongreso kung walang data na base sa ginawang pag-aaral ng LTFRB-TWG.
Aniya, malaking pagkakamali kung hindi na itutuloy ang pilot testing sa mga motorcycle taxi dahil ito lang ang isa sa mga solusyon sa nararanasang kakulangan ng mass transportation sa bansa bukod pa sa matinding trapik sa lansangan.
Nauna nang ginisa ng senadora sa pagdinig si Gardiola dahil sa hindi matanggap ng mga senador naging dahilan ng pagpapatigil ng pag-aaral dahil sa walang makuhang datos mula sa mga miyembro ng Angkas.
Sinermunan ng mga senador ang opisyal dahil tila tamad at hindi ginagawa ang trabaho nito na maari naman na kumuha sila ng data sa PNP sa halip na ipasa ang kanilang trabaho sa Angkas. VICKY CERVALES
Comments are closed.