(Kapag isinabay ang halalan sa BARMM) P3-B MATITIPID NG GOBYERNO SA 2025 MIDTERM ELECTIONS

MAKAKATIPID ang gobyerno ng P3 bilyon kung hindi na ipagpapaliban pa ang Bangsamoro Autonomous region for Muslim Mindnao parliamentary election na planong gawin na lamang  sa susunod na taon.

Ayon kay Commission on Elections chairman George Erwin Garcia na malaki ang masasa­yang na pondo ng gob­yerno kung hindi isasabay ang BARMM parliamentary election sa nakatakda ng May  2025 midterm elections.

Ginawa ni Garcia ang pahayag bilang tugon sa inihaing panukalang batas para ipagpaliban ang halalan sa rehiyon.

Subalit, nilinaw ni  Garcia na nakahanda ang COMELEC na sumunod anumang oras na ipag-utos ang pagdaraos ng BARMM poll alinsunod sa batas o sa mapagtitibay ng Kongreso base sa mga inihaing panukala hinggil sa posibleng pagpapaliban ng botohan.

Sa kabila nito,  tiniyak ni Garcia na nakahanda ang poll body sa pagsasagawa ng kauna-unahang halalan para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Min­danao (BARMM).

“Kapag ito po ay na-defer at na-postpone, tatanungin po ng lahat, may gastos po ba? May gastos po kung ngayon nakasama lang siya sa national election, kapag nag-defer po tayo ng halalan at yun po ay mangyayari halimbawa sa 2026 base proposal sa panukala at tayo po ay mag-automate ng Bangsamoro election ay aabot sa P3 billion ang gagastusin,” ayon kay Garcia.

“Kung tayo naman po ay mag manual election sapagkat maiksi lang naman ang balota, isusulat na lamang ang pangalan ng  mismong representate ng Distrito  at ang political party na ihahalal, mga P800 million to P1 billion  ang magagastos  ng Commission on Election,” pa­liwanag pa ni Garcia.

Aniya, sakaling hindi matuloy ay masasayang ang mga isinagawang paghahanda ng komisyon para rito.

Paliwanag pa ng opisyal na isang makina lamang ang gagamitin para sa 2025 midterm elections at BARMM election.

Bukod pa rito, ang kakailanganing panahon para sa pagpapaimprenta ng mga balotang gagamitin.

Sinimulan na rin ng Comelec ang pagtanggap ng mga maghahain ng kanilang kandidatura para sa eleksyon sa BARMM.

VERLIN RUIZ